PAINIT NANG PAINIT ang ginagawang pagdinig ng Senado sa kontrobersiyal na C-5 road extension project. Pinakahuli ang rebelasyon ni Senate President Juan Ponce-Enrile kaugnay ng umano’y tangkang panunuhol sa kanya ng ginigisang si Senador Manny Villar at ngayon ay presidential bet ng Nacionalista Party.
Ayon kay Enrile, nagkaroon siya ng imbitasyon mula kay Villar para sa isang pulong na ginanap sa isang Japanese Restaurant sa Makati City. Sa kanila raw pag-uusap, nagpahayag raw si Villar ng kanyang pagnanais kung puwede siyang matulungan ni Enrile kaugnay ng kinasasangkutan niyang kontrobersiya.
Sa pagkakaalala ni Enrile sa kanilang usapan, ilang beses raw nabanggit ni Villar na “Manong, baka naman may maitutulong ako sa inyo. Makakatulong naman ako kung may kailangan kayo.”
Hindi raw pinansin ni Enrile ang pagpaparinig ni Villar, ang nasabi niya na lang, “Manny, gusto kitang tulungan. What I can promise you is that I will be fair to you. I will not allow the hearings to go beyond the issues referred to the committee nor for it to be turned into a fishing expedition.”
Dagdag pa ng Senate President, “Manny, if I help you, don’t worry walang kapalit ‘yun.”
Bagama’t mariing pinabulaanan ni Villar ang lahat ng akusasyon sa kanya, binalaan niya ito na iwasang gamitin ang kanyang bilyones para lang matakasan ang kontrobersiyang kinakaharap niya ngayon.
Samantala, pinapanindigan naman ng mga kaalyado at tagapagtanggol ni Villar sa Senado na mas nanaisin ng kanilang kapartido na harapin ang mga bintang sa kanya sa korte para matiyak na magiging patas ang pagdinig sa kasong kinasangkutan niya.