Pagkatapos ng kontrobersiyal na C-5 road project, nananalag na naman ngayon si Nacionalista Party bet Manny Villar matapos siyang akusahan ng umano’y tangkang panunuhol sa kalabang si Senador Richard Gordon.
Sa panayam kay Gordon, sinabi nitong isang emisaryo umano ni Villar ang lumapit sa kanya. Inilapit aniya nito ang mensaheng babayaran umano ni Villar ang lahat ng kanyang nagastos sa kampanya kapalit ng kanyang pag-atras sa 2010 presidential race at pagbawi ng suporta sa reeleksiyon ni Senate President Juan Ponce-Enrile.
‘Di na naman nagulat si dating Presidente Joseph Estrada sa isiniwalat ni Gordon dahil isang tao rin aniya ang lumapit sa kanya at nag-alok na ibabalik ang mga nagastos niya sa kampanya kapalit din ng kanyang pag-atras.
Dedma naman ang panig ni Villar sa isyu at hinamon pa ng kampo ng NP si Gordon na pangalanan kung sino ang tinutukoy nitong emisaryo para makumpirma ni Villar na siya nga ang nagpadala rito.
Samantala, nahaharap naman si Gordon sa pagdepensa ng sarili dahil marami ang kumukuwestyon sa kanyang motibo kaugnan nang naturang pagsisiwalat.
(Parazzi Reportorial Team)