No show sa Senado si Senador Manny Villar pero hindi naman siya nabigo sa kanyang mga kaalyado dahil maigting sIyang ipinagtanggol ng mga ito laban sa kanyang mga kritiko.
Tensiyonado ang Plenaryo sa simula pa lang ng pagdinig sa kontrobersiyal na report ng committee of the whole tungkol sa umano’y kaugnayan ni Villar sa C5 road extension project. Agad inalmahan ni Senador Aquilino Pimentel ang pagtalakay sa Committee Report 780. Ayon kay Pimentel, batay sa rule na sinusunod, dapat unang talakayin ang mga resolusyong naunang inihain. Lalo pa itong nag-init nang akalaing tinangka siyang patahimikin ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada na noon ay hawak ang gavel.
“Where is Senator Villar?” ‘Yan naman ang tanong ni Senador Jamby Madrigal sa mga kaalyado ng senador na sinampahan niya ng kaso sa ethics committee. Nang tawagin niyang “duwag” si Villar dahil sa hindi pagsipot nito, muling nag-init si Pimentel at sinabing iwasan ang paggamit ng “unparliamentary” na salita.
Nagpalitan rin ng maaanghang na salita sina Pimentel at Roxas maging sina Senador Alan Peter Cayetano at Madrigal. Umawat naman si Senador Dick Gordon at sinabing panatiliin ang dignidad ng institusyon sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng mga “unparliamentary” na lenggwahe.
Sa pagpapatuloy ng sesyon, hindi direktang sinagot ng mga kaalyado ni Villar kung sisipot siya sa Senado o hindi. Pinagdiinan lang ni Cayetano na may pulitika umano ang pagdinig kaya hindi tiyak kung magiging “unbiased” ba ang naturang pagdinig.