PUMASYAL KAMI sa shooting ng indie film Extra ni Gov. Vilma Santos sa paanyaya ni Direk Jeffrey Jeturian (with approval ni Atty. Joji Alonzo, executive producer). Bumulaga sa amin ang mahigit isang daang extras na kasama sa pelikula. Mga extra na naghihintay sa susunod nilang eksena. Nagkalat sa iba’t ibang bahagi ng lugar. May natutulog sa semento, tabi-tabi, karton lamang ang sapin sa kanilang katawan, walang pakialam. ‘Yung iba namang extra, nagkasya na lang sa upuan hanggang sa makatulog. Karamihan, inaaliw na lang ang kani-kanilang sarili, nakikipagkuwentuhan sa kapwa nila extra, pampatay-oras para hindi sila mainip sa susunod nilang eksena kasama ang mga artista.
Pakiwari namin, parang hindi indie film ang dating ng pelikulang ginagawa ngayon ni Gov. Vi na kalahok sa Cinemalaya this coming July. Bonggacious ang production design sa reception scene, magkakasamang kukunan ng eksena sina Marian Rivera, Tom Rodriguez, Cherie Gil at Ate Vi kasama ang mga extra. Tatlo ang kamera bawa’t take para ma-captured ang bawa’t anggulo, facial reaction ng mga artista. After maipalabas ito sa CCP for Cinemalaya Film Festival at humakot ng awards sigurado kaming kukunin ito ng Star Cinema for distribution.Walang kaduda-duda, Best Actress, box-office success ang first indie film ni Gov. Vilma Santos.
Nang dumating kami sa set, kasalukuyang kinukunan ni Direk Jeffrey ang eksena nina Pilar Pilapil at Ate Vi sa isang gilid ng tent habang nagpapa-picture. After the take, masaya kaming sinalubong ni Gov. Vi. Ikinatuwa nito ang pagbisita namin sa kanya. Tinanong agad namin siya kung bakit sa dinami-rami ng movie project na inalok sa kanya, itong project ni Direk Jeturian ang napili niyang gawin? Sagot nito, “Gusto kong ma-experience gumawa ng indie film. Totoo pala, 10 days puwedeng matapos ang pelikula kung tuluy-tuloy ang shooting. Ako, once a week lang puwedeng mag-shooting. Alam naman ninyo, every Saturday lang ako pupuwede dahil Monday to Friday may trabaho tayo sa Kapitolyo.”
Sinabi rin ni Ate Vi, hindi nito iniisip ang award sa paggawa ng indie film. Naka-seven days shooting na ang Star For All Seasons kaya’t happy si Direk Jeffrey dahil patapos na ang kanyang pelikula. Present din ang solid Vilmanians na nakabantay at pinanonood ang bawa’t eksena ng kanilang idolo. Na-touch naman kami nina Arniel Ramos (Malaya,columnist) at Fernan Sucalit (Star Studio photographer) sa ginawang pag-aasikaso sa amin ng mga Vilmanian at ni Ate Aida.
After that scene, dinner break. Napag-alaman naming kasama rin sa cast si Piolo Pascual. Nakatsikahan din namin sina Cherie Gil at Direk Marlon Rivera na gaganap bilang director sa pelikula. Excited ang comedy director na makatrabaho ang award- winning actress kaya tinanggap agad nito ang alok nina Direk Jeffrey at Atty. Joji maging artista sa pelikula nila.
Matindi ang eksena nina Ate Vi at Direk Marlon, very dramatic, isa ‘yun sa mga highlight ng pelikula. Matipid ang dialogue ni Gov. more on facial reaction habang nag-lilitanya si Direk, punung-puno ng emotion ang mababakas mo sa mukha ng magaling na actress. Grabe si Ate Vi, what a performance! After that scene, palakpakan ang buong production staff pati na rin ang mga extra dahil sa naiibang acting na pinamalas ni Vilma.
Ikinuwento din ni Direk Marlon na may dalawang pelikula siyang gagawin sa taong ito. Isang comedy film na pagbibidahan ni Ruffa Mae Quinto under Viva Films at sa Star Cinema with Eugene Domingo. Si Cherie Gil naman, excited na sinabi nitong may stage play siyang gagawin at naka-schedule na siyang mag-pictorial the following day. Kahit mag-uumaga na natapos ang eksena ni Gov. Vi, hindi kami nakaramdam ng pagod at puyat kahit Concepcion, Marikina pa ang location ng shooting. Sa ganda ng istorya ng Extra at galing ni Direk Jeturian plus the acting power ng buong cast, sure winner na ito sa Cinemalaya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield