HALOS WALANG KATAPUSANG pasasalamat ang ibinabahagi ng pamilya Aquino sa mga tao sa mga huling sandaling bago ihatid sa huling hantungan si Tita Cory.
Umagos ang luha sa Manila Cathedral at napuno nga ng maraming magagandang mensahe ang huling paalam sa dating Pangulo.
As usual, si Kris Aquino ang isa sa mga nagbigay ng magagandang pag-alala sa kanyang ina. Klasiko ang pagbanggit ni Kris tungkol sa magiging papel nila ng kapatid na Senador na si Noynoy para ipagpatuloy ang mga laban ng kanilang parents.
Nagawa pa nga nitong haluan ng humor ang mensahe nang ibahagi niya ang wish ng anak na si Josh na huwag itong mag-asawa dahil wala na diumanong magbabantay rito.
Pati ang isyu sa kanila ng asawang si James Yap ay nagawa ring ikuwento ni Kris, bilang pagpapatunay na ganu’n nga siya ka-honest.
Pero sobra kaming na-touch dun sa ginawa niyang pagpapasalamat sa lahat ng kapamilya niya na ngayon nga lang talaga halos nakilala ng sambayanan.
Isa na marahil ‘yun sa mga best moments na nakita natin kay Kris at kung seseryosohin nga niya ang public service, walang dudang may magandang pupuntahan si Kris.
Bongga rin ang mga pagbabahagi ng singing talents ng mga kaibigan nina Kris.
Nakapangingilabot ang rendition nina Lea Salonga sa “Bayan Ko” at Sarah Geronimo sa “Magkaisa,” habang nakaiiyak naman sina Zsa Ssa Padilla, Dulce, Regine Velasquez at Martin Nievera.
For sure, lahat sila ay nagpipigil lamang na bumigay sa kanilang emosyon considering ’yung bulto ng mga naroroon. Mula sa pinakamayayaman hanggang sa mga ordinaryong tao na ayon nga sa mga ulat ay naroroon na sa gitna man ng lakas ng hangin, ng matinding init at grabeng pag-ulan. Pero ang nakapangingilabot ‘yung biglang paghihinto ng ulan kapag dumadaan na ‘yung truck kung saan nakalagay ang kabaong ni Tita Cory. Na-witness din namin ‘yun at nakakaloka ang ganu’ng karanasan, in fairness!
USAPANG MARIAN Rivera naman tayo. Soon ay lilipad na sa GMA- 7 bilang pinakabago nitong Darna.
Sa grand presscon na ginanap kamakailan ay hindi na nito napigilan pa ang magbigay ng kanyang pahayag hinggil sa pressure na ibinibigay sa kanya dahil siya raw itong muling magbabangon sa primetime ng GMA- 7. For the last few weeks kasi ay halos ubusin ng katapat na ABS-CBN shows ang pagrampa sa ratings kaya panahon na raw para ibalik ito ni Marian thru Darna.
“Naku, hindi ko gustong intindihin iyan. Hindi ko na nga maayos-ayos ang mga stunts ko, iisipin ko pa ba iyan? Basta ang sigurado kami, group effort ang mapapanood ninyo sa Darna. Lahat kami ay nag-exert ng matinding effort para higit na mapaganda ang fantaserye. Ayokong isipin na matalbugan ang ratings ng iba o higitan ang previous Darna. Iba ako, iba kami dito ngayon,” ang pahayag ni Marian.
Hindi na rin nito napigilan pang sagutin ang isyu na kung may babanggitin man siyang pinakapaborito niyang Darna ay ‘yun ay walang iba kundi si Gov. Vilma Santos.
“Siya naman talaga ang naabutan ko at pinangarap kong sundan. Lahat naman tayo ay may lihim na pangarap na maging superhero someday at nu’ng bata ako, si Ate Vi ‘yung idol ko. Magaganda at mahuhusay naman ‘yung ibang nag-Darna, pero si Ate Vi ang pinaka-naiiba. Ang ma-i-level man lang ‘yung version ko sa mga nagawa niya ay isa ng malaking honor for me. Pramis, hindi kayo mabibigo,” susog pa nito.
At kung bakit pumayag siyang hindi si Dingdong Dantes ang kanyang leading man sa serye (si Mark Anthony Fernandez ngayon), sumagot itong, “para maiba naman. Space kumbaga. Tsaka, nag-usap kami ni Dong na kailangan namin ‘yun. Hindi naman puwedeng laging kami ang magkasama. Tsaka, mas nakakatulong nga ‘yun dahil walang sawa factor sa amin. At least kung magkita kami, may iba kaming pinag-uusapan at puwedeng pag-awayan.” ‘Yun na!!!
Showbiz Ambus
by Ambet Nabus