AYON kay Vilma Santos, nakaranas siya ng panic attacks at nakaramdam ng labis na kalungkutan dahil sa mga hindi magagandang nangyayari. Mabuti na nga lang daw na unti-unti nang nawawala ang virus ngayon.
“For me, it was an anxiety-ridden year. Grabe ito! Paggising ko pa lang, negative na ako, ‘What’s going to happen today, who’s going to die?’ Really bad, naging malungkot ako,” kuwento ng 68-year-old actress na katatapos lang magdiwang ng kanyang kaarawan.
Naikuwento rin ni Ate Vi sa naturang interview kung paano niya napagtagumpayan ang naranasang panic attacks.
Aniya, “It wasn’t easy, nagkaroon ako ng panic attacks. It was good, also, nag-stay for more than a month sina Jessy (Mendiola) and Lucky (Luis Manzano) sa bahay. Malaking tulong yon para sa akin, para maka-cope up sa anxiety na dinaranas ko. At the same time, family, bonding na rin.”
Naging sandigan din daw niya ang pagdarasal.
“Wala na akong choice, I prayed, ‘Lord, please help us, guide us.’ Tapos work from home, kahit papaano naaliw ako. Nag-monitor ako sa Lipa, lahat ng nangyayari, naging virtual.
“I prayed, exercised. Dumating sina Lucky. Nakaka-positive ng outlook. Tapos kapag gabi, malungkot ka na naman. So I prayed and, little by little, nakabawi,” kuwento pa ni Ate Vi.
Isa rin sa napagtuunan ng pansin ng multi-awarded actress habang pandemya ay ang pagba-vlog sa Youtube at pagpi-Facebook Live sa tulong nina Jessy at Luis.
“Nakadagdag yon sa akin ng excitement. Nakatanggal ng stress kahit paano when they were here. In-invite nila ako sa vlog nila, in-enjoy ko naman.
“First time kong ma-experience na mag-live with Lucky sa Facebook. Then, may mga nakakausap ako, nagtatanong ng mga questions. Bumalik, may proper communication sa mga tao sa labas. Nagkaroon ako ng bagong excitement,” sey ulit niya.
Patuloy ni Ate Vi, “Sabi ko, ‘Anak, tulungan mo naman ako. Can I have my own (channel)?’ Di ako techie, eh. Ginawan nila ako ng sariling channel. Now, may sarili na akong vlog, may channel na ako sa YouTube.”
Nabanggit din ni Ate Vi na excited ulit siyang gumawa ng pelikula and eventually ay makapag-direk na rin.
“Ngayon, I’m looking forward to do a movie again or maybe direct a movie. Dream ko yun pag napagod na akong gumawa ng pelikula. Gusto ko naman mag-direk ng movie gaya ng mga movie ni Direk Marilou Diaz-Abaya, feminist, or Direk Laurice Guillen.
“Naisantabi ang gusto ko na maging director, but maybe ngayon or maybe next year. I’m taking a backseat sa politics this year, baka ngayon may maidirek ako na movie.
“I have something in mind, I just want to do a movie na nangyari ng 24 hours. Dream ko lang, ang ganda sa simula, grandiose, but within 24 hours something happened. Pagdating sa ending, mga mukhang basura na hitsura because of what happened in 24 hours. Dun ako nae-excite,” excited niyang pahayag sa konsepto ng pelikulang balak niyang idirek in the future.