Para kay Governor Vilma Santos, status symbol ng isang artista ang pagkakaroon ng mga signature bags at branded clothes. Pero hindi roon ang focus niya dahil naniniwala ang actress na puwede ka ring bumili ng damit o tela, gawan mo lang ito ng iba’t ibang design, okay na. Naniniwala rin siya nasa nagdadala raw ‘yun kung mapo-project mo siya nang maganda kahit hindi signature ang suot mo.
As an actress, naniniwala si Ate Vi na may mga artistang in born. May mga ipinanganak na mayroon nang galing sa pagarte, mga clan ng mga artista. Pero may mga artista raw na talaga namang nati-train. Ang labanan sa showbiz ay long term, kung magtatagal nga ang isang artista. Karamihan sa mga actors natin, may angking talino sa pag-arte, huwag lang magkaroon ng negative attitude.
“Maaaring superstar ka overnight, good only for six months. Mayroon namang unti-unti, pero ‘pag pinag-usapan na, hanggang ngayon nasa showbusiness pa rin. I think, ang galing talaga should come in the heart. You have to love your craft, kailangang mahal mo ‘yung career mo kasi at the end of the day, mamahalin ka rin nito. Hindi ibig sabihin kapag sinasabing sina Vilma Santos, Nora Aunor, Sharon (Cuneta), Maricel (Soriano)… kapag nakatanggap na ng award ay ikaw na ang pinakamagaling, hindi rin. Kami may mga eksenang hindi rin namin nagagawa. You’re only as good as your last film. Which means, hindi porke nagka-award ka, ikaw na. Kailangang non-stop learning. Ako, sa experience ko, more than 50 years, hanggang ngayon mayroon pa rin akong natututunang iba. Dapat ang artista, sumusunod din sa panahon, ganun. Hindi ka maiiwan du’n na ikaw na ‘yung pinakamagaling, ‘no? There’s no such thing, wala,” say ng Star For All Seasons.
Habang ginagawa ni Ate Vi ang pelikulang “Everything About Her”, marami siyang napansing pagbabago sa local cinema. “Sa ngayon kahit magmura ka, puwede na. Depende lang kung papaano mo siya bibitawan. ‘Yun ang sinasabi ko na uma-adjust ka sa panahon ngayon. Even the character, kapag nanigaw ka noon, bawal ‘yun. Ngayon puwede, because ‘yun ang nangyayari ngayon. ‘Yun ang isang bagay na natutunan ko rito sa ‘Everything About Her’,” turan niya.
Very vocal si Ate Vi na gusto niyang maging kaibigan si Direk Joyce Bernal, hindi porke director niya ito sa pelikula. Magaan ang loob niya kay Direk dahil sa pagiging straight forward nito. Na-tense nga ang blockbuster director sa sinabi ni Ate Vilma. Gusto rin ni Direk Joyce na maging close friend siya ang governor ng Batangas. Minsan na silang nag-bonding na dalawa habang umiinom ng red wine. Sabi nga ni Direk, “Daig niya ako sa inuman, bagsak na agad, matibay si Ate Vi.”
Nang dahil sa pelikula with Vilma at Angel, na-inspire uli si Direk Joyce na gumawa pa ng matitinong pelikula. “Well, binuhay uli niya ang passion ko as a director, namatay for awhile. Siyempre dumaraan naman tayo dun, nabe-burnout, namamatay, nawawala, hahanapin mo. Kasi may hahanapin ka kahit sa buhay mo sa pagiging director mo, so ‘yun. Marami pa akong gustong gawing project for 2016,” paliwanag ni Direk Joyce.
Malditang may cancer ang papel na ginagampanan ni Ate Vi as Vivian. May mga eksena sila ni Angel na totoong nasaktan ang dalaga. Kung minsan, hindi maiiwasang may masaktan sa eksena, kailangan kasi para maging realistic ‘yung scene. Paliwanag ni Angel, “Part of the job ‘yun, kasi kapag nandu’n ka sa eksena, hindi mo mararamdamang siya si Vilma Santos, ako si Angel Locsin. Nararamdaman ko ‘yung kabuuan ng eksena. Kung sa kanya nanggaling, tatanggapin ko naman, may sapok. Si Tita Vilma naman, sanay na sanay, maalaga siya. After the take, sasabihin niya, ‘okay ka ba? Pasensiya ka na’, ganu’n,” pahayag ni Angel.
Dugtong naman ni Ate Vi, “Ayaw ko ring masaktan si Gel (Angel), pinauulit ni Direk Joyce ang eksena. Gusto ni Direk may gigil talaga, may sabunot.”
To the highest level daw ang aktingan ipinakita rito nina Gov. Vi at Angel. Nakipagsabayan daw ang dalaga sa acting performance na ipinakita ng Star For All Seasons. “Sobrang kaba talaga, hindi ko masasabing tagisan ng acting. Wala namang nagko-compete sa amin. Blessed kami dahil ‘yung actress (Ate Vi) namin nakikipagtulungan sa amin. Even ‘yung eksenang nakatalikod si Tita sa kamera, tuloy pa rin ang luha niya. Kaya’t hindi ko puwedeng sabihin na tagisan ng acting. Acting ni Tita Vilma, walang-wala talaga ako. Gusto ko lang magawa nang tama para hindi ako mapagalitan ni Direk Joyce. Magawa ko ‘yung instruction at maitawid ko nang maayos ‘yung scene. ‘Yun lang talaga ang concern ko, ang priority ko ‘yung ikagaganda ng pelikula. Ayaw kong ako pa ‘yung hahatak paibaba, kasi sayang, ang lalaking artista ang kasama ko at malaking project. ‘Yun lang ang gusto kong isipin,” sambit pa ng dalaga.
Pinuri ni Ate Vi si Angel sa mahihirap na eksena nilang dalawa. “Definitely, maganda ang kanyang performance as an actress. Ang challenge sa kanya, gumawa ng isang role, ma-create ‘yung role na hindi siya, hindi madali ‘yun. It’s a challenging role, and I think, sa klase ng pelikula namin, nai-deliver niya ng maganda ‘yung character. Malaking bagay ‘yun. At saka nu’ng ginagawa namin ito, walang nag-dialogue, ‘itong scene natin pang-best actor’, hindi namin napag-usapan ‘yun. This is a simple comedy, ang importante ‘yung meaning ng pelikula, ‘yung forgiveness especially kapag pinag-usapan ang pamilya. “‘Yung mayroon kaming i-offer na iba, hindi rin ito ‘yung rom-com na pakilig. Maraming nangyayari na hindi kasundo ang anak…” say niya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield