MAGPAPAHINGA na muna sa puitika ang Star for all Seasons na si Vilma Santos. Wala raw syang balak tumakbo sa kahit anong posisyon sa May 2022 elections. Ang award-winning actress ang kasakuluyang kongresista sa 6th District ng Batangas.
Ibinalita ni Vilma ang kanyang desisyon sa pamamagitan ng isang official statement sa social media nitong Huwebes, October 7, isang araw bago ang deadline ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para mga gustong kumandidato.
Unang-unang dahilan ni Ate Vi kung bakit magpapahinga siya sa pulitika ay ang patuloy na health crisis na nararanasan sa bansa. Siguradong mahihirapan daw kasi siyang mangampanya dahil sa mga ipinatutupad na health protocols kontra-COVID-19.
“After careful consideration of the present situation especially the limitations in conducting a campaign during a pandemic, I have decided not to seek any elective position in the May 2022 elections,” paliwanag ng aktres.
“Pero hindi nangangahulugan na titigil na ako sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Nandito pa rin ako para maglingkod sa inyo,” giit pa niya.
Sa pagiging public servant ni Ate Vi sa loob ng halos 23 taon ay naniniwala siyang puwede pa rin naman siyang tumulong kahit wala siyang hawak na posisyon sa gobyerno.
“I have been serving the public for more than 23 years and will continue to serve in the best way I can even in my private capacity,” katwiran niya.
“Tuloy pa rin ang trabaho at serbisyo! Sa lahat ng nagtiwala at patuloy na sumusuporta sa akin, maraming, maraming Salamat po.
“Pagpalain tayo ng Poong Maykapal,” pahayag ng Star for All Seasons.
Matatandaang 1998 nang magsimula ang political career ni Ate Vi nang mahalal siya bilang mayor ng Lipa City, Batangas. Tatlong termino siyang naging alkalde ng Lipa.
Nahalal din bilang kauna-unahang babaeng gobernador si Ate Vi ng Batangas noong 2007. Tumagal ang panunungkulan niya hanggang 2016.
Taong 2016 ay muling kumandidato ang aktres bilang kongresista ng 6th District ng Batangas at nanalo. Sa 2022 pa matatapos ang kanyang termino.