HINDI PA man natatapos ang indie movie na Extra ni Gov. Vilma Santos na dinirek ni Jeffrey Jeturian para sa Cinemalaya Film Festival this coming July, mabilis agad kumalat ang balitang ipalalabas na raw ito sa Cannes International Film Festival.
Sabi nga ni Danny Vibas, wala pang basehan ang screening committee ng Cannes para agad malaman kung papasok nga ito o hindi sa nasabing prestigious award. Huwag daw agad-agad pangunahan ng publicist-columnist ni Atty. Joji at baka raw maudlot pa.
Sigurado kaming makabuluhan at naiiba ang pelikulang ito ni Ate Vi kaya’t malaki ang posibility na makapasok ito sa international film festival. Maging ang acting na ipinakita ni Gov. naiiba raw, hindi typical Vilma Santos ang ating mapapanood. Maraming highlight dito ang Star For All Seasons na ikawiwindang daw natin, ayon kay Direk Jeffrey.
Ngayon pa lang hinuhulaang magiging Best Actress si Gov. Vilma at Best Director si Jeffrey Jeturian. Hindi magsusugal ang producer nitong si Atty. Joji kung hindi siya nani-niwala sa project at sa galing ni Ate Vi as an actress.
SUCCESSFUL ANG solo concert ni Angeline Quinto sa SMX, MOA last February 14, Valentine’s Day. Walang takot ngang nakipagsabayan ang kaibigan naming columnist-producer na si Julie Bonifacio sa kasabayang concert nina Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Martin Nievera, at Pops Fernandez. Surprisingly, halos mapuno ang loob ng SMX sa dami ng fans ng singer-actress.
Sa opening number ni Angeline, puro Tagalog songs ni Sharon Cuneta at Zsa Zsa Padilla ang inawit nito. Ma-tindi ang boses ng dalaga, malinis pati pagbigkas ng lyrics klaro na kung pakikingan mo at hindi mo pinapanood si Angeline, parang si Regine Velasquez ang umaawit. Halos magkapareho sila ng style at timbre ng boses.
Kailangan din sigurong scripted ang mga sinasabi ni Angeline. Hindi ‘yung kung ano lang ang gusto nitong sabihin sa audience, ganu’n lang, bara-bara. Para nga siyang tomboyish kung pumorma sa stage kahit naka-gown pa ito. Panay rin ang banggit niya sa pangalan ni Coco Martin kahit tapos na ang gimik sa kanilang dalawa.
Surprise guest ni Angie si Sam Milby, nag-duet ang dalawa, ganu’n lang. Parang dumaan lang ang hunk actor to support her leading lady sa concert nito. May audience participation, nakipag-duet, may dalawang lalaking hinandugan ng awit ni Angeline. After makipag-jamming ang dalaga, banat na naman ito ng kanta. Enjoy naman, dahil live namin siyang napapanood umawit. Walang pinagkaiba ang boses niya sa CD at live performance, eksakto, napakagandang pa-kinggan.
Siyempre, excited na rin ang manonood na mag-perform si Vice Ganda na special guest ni Angeline. Nang ipakilala ito ng singer-actress, ibayong sigla from the audience ang nakita namin. Biglang sumigla ang manonood sa duet number nilang dalawa. Saludo kami sa galing at husay ni Vice as stand-up comedian. Mabilis ang pick-up sa audience at kinagigiliwan talaga siya ng mga fans. Mabenta ang kanyang jokes,maging kami ay napapasaya niya kahit na kung minsan ay kababawan.
Habang nakikisabay kami sa pagtawa, pinapanood namin ang mga reaction ng manonood. Enjoy na enjoy sila sa mga green jokes ni Vice lalo na nang sabihin nitong, “Sex is the best. Kaya nga tayo nandito dahil sa sex. Hipokrito lang tayo pero gustung-gusto nating pinag-uusapan ang sex.”
‘Yung iba, hindi mapigilan ang sarili sa katatawa, may naiiyak pa nga sa sobrang saya. Maging ‘yung katabi namin, namimilipit sa katatawa sa kanyang kinauupuan. Ibang klase palang mag-perform nang live itong si Vice-Ganda, sulit ang ibabayad mo, may sukli pa!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield