SA POCKET presscon para sa musical film na Damaso ng Regis Films at Reality Entertainment ay hiningi namin ang reaksyon ni Vina Morales tungkol sa isyu ng pagwo-walkout ni Morissette sa show ng singer na si Kiel Alo.
“Alam mo, mahirap makisawsaw sa isyu na yan kasi singer din ako, kapwa Bisaya din, di ba, it’s sad na may ganun ang naging sitwasyon at naba-bash din siya, it’s really sad. And also sad din ako sa producer na yung expectations nila hindi nagawa.
“Mahirap din talaga kasing mag-comment diyan but ako kasi sa napagdaanan ko, sa pagmamahal ko sa trabaho, you really just have to be professional kahit pa anong problema,” safe niyang reaksyon.
Idinitalye din ni Vina ang isang insidente kung saan kahit may dinaramdam siya ay nagko-concert pa rin siya.
“Ako rin naman dumaan ako sa madaming problema, my God, before the shows umiiyak pa ako, pero umaakyat pa rin ako ng stage kasi kailangan.
“Ako nga di ba, I was pregnant with Ceana, I (still) did my concert. I was 3 months pregnant and na-i-spotting ako, medicine lang ang iniinom ko pero meron akong kontrata to do a concert with Kuh Ledesma, US tour yon.
“Wala akong magawa, I have to do it, pero dapat bed ridden ako no’n kasi kailangang nasa ano lang ako kasi nag-i-spotting nga ako no’n, but I have no choice kasi nga may kontrata ako non – yung expectations ng producers, ng mga tao.
“I did the concert kaya lang, sila naman naintindihan nila na hindi ko kailangang sumayaw. And then minsan, parang feeling mo sumasakit yung tiyan mo ume-exit ako. Sabi ko, ‘Sandali lang ha,’ I need to exit kasi I need to check kung nag-i-spotting ako, sa gilid lang ako ng stage no’n. So after kung i-check at pag wala naman balik ulit ako ng stage, kanta ulit. Ganun talaga, eh, kasi trabaho yan, work is work at kung ano yung ini-expect sa ‘yo kailangan mong gampanan,” tuluy-tuloy niyang kuwento.
Iginiit din ni Vina na importante ang pagiging professional sa mga artists na kagaya niya.
“You just have to be professional and just love your work. Ang iba nga namamatayan kumakanta pa rin. Tulad nga sa atin, ang sinasabi the show must go on, yon talaga,” sey pa niya.
Ang Damaso ay isang musical movie na ipapalabas sa Nov. 20. Ginagampanan ni Vina sa Damaso ang karakter ni Sisa.