EXCITING DAW para kay Vina Morales ang pakikipagtambal ulit kay Robin Padilla sa MMFF entry na Bonifacio: Ang Unang Pangulo. Huli Silang nagkasama sa pelikulang ‘Di Puwedeng Hindi Puwede several years ago.
“Kalalabas lang niya no’n sa jail no’ng ginawa namin iyon,” pagbabalik-tanaw ng aktres. “Kaya iba ‘yong reaksiyon sa pagsasama naming ulit sa pelikula. Dahil excited ako na kinakabahan ako. Na of course I was very happy working with him kasi nga matagal na kaming hindi nagkatrabaho.
“One thing lang na hindi nawala sa amin is ‘yong chemistry. Even onscreen makikita n’yo talaga, e. Na nando’n pa rin ‘yng Robin-Vina team up. So, hindi nawala.
“Even though historical film ito, hindi nawala ‘yong kilig sa mga eksena. Alam mo, kapag may past ka sa isang tao, maski papa’no hindi naman nawawala ‘yong… may emosyon. ‘Di ba? Lalo na me and Robin naman, hindi naman kami ‘yong… well he hurt me. Pero nag-sorry na naman siya sa akin so napatawad ko na siya.
“But ‘yong konting… ‘yong pamamahal bilang kaibigan, hindi nawala iyon kay Robin. At ‘yong respeto ko sa kanya. Because even if nasaktan niya ako noon, I know he has a good heart. Alam kong mabuti siyang tao. Kaya hindi nawala ‘yong pagmamahal ko at respeto ko sa kanya.”
Challenging daw ang role ni Vina bilang si Gregoria de Jesus o Oriang na asawa ni Andres Bonifacio.
“Marami kaming heavy scenes. Like ‘yong… papatayin na siya. Iyon ‘yung isa sa highlight. We have this scene na pinalalakas ko ‘yong loob niya na everything will be alright na nandito siya sa arms ko.”
Dati na siyang gumanap na Oriang sa isang pelikula tungkol dito noon. Ano ang advantages at disadvantages na sa ikalawang pagkakataon ay gagampanan niya ang role na ito?
“Walang disadvantages. Puro advantages. Because alam ko na ‘yong role o character ni Oriang. Na isa siyang matapang at mapagmahal sa asawa at sa bayan. Alam ko ang low ng character niya. Ang kaibahan lang, sa una kasi ay nakasentro ‘yong movie kay Oriang talaga. With this one sa Bonifacio… ‘yong sa pag-iibigan naman namin ni Andres.”
Natawa lang si Vina nang matanong kung panlaban ba kaya for best actress ang performance niya?
“Actually maraming mabibigat na eksena, e. Uhm… siguro. Sana! Hoping kami. We’re praying. Kasi hindi naman papasa kay Direk Enzo (Williams) ‘yong mga eksenang mabibigat na ‘yon kung hindi siya satisfied sa acting naming lahat.
“Kasi alam naman natin na kailangan kung ano ‘yong emosyon na kailangan sa eksena, iyon ang dapat ibigay. At iyon ay naibigay namin sa eksenang ‘yon. At saka si Direk, he doesn’t mind kung paulit-ulit mang kunan ang isang eksena. Kahit abutin pa ito ng take 5 o take 8, basta gusto niyang makita at lumabas ‘yong lahat ng emosyon mo.”
How is Robin as a leading man ngayon compared noon na nagkakatambal din sila? May masasabi ba siyang pagbabago o kaibahan?
“Gano’n pa rin siya. Napaka-gentleman at maasikaso. Kung wala man siya sa set, he ask ‘yong mga kasamahan niya to take care of me. Iyon ang hindi nawala sa kanya. Siguro in a way na… maski maalaga siya sa akin, siyempre nagbibiro pa rin ‘yon, ‘di ba? Alam mo naman si Robin, mapagbiro talaga. Pero alam ko hanggang biro lang. Pero kung sasakyan ko… problema ko na ‘yon!” sabay tawa ni Vina.
Ano ba ‘yong mga hirit na biro sa kanya ni Robin? “Halimbawa ‘yong… na-miss niya ako. O ‘yong ang ganda-ganda mo… mga gano’n.”
Nagkakausap ba sila ng misis ni Robin na si Mariel Rodriguez? “Ay, no. We’re not close. We never had the chance na maging close ni Mariel.”
Aware ba siya sa sabi-sabi na selosa raw si Mariel? “Ay, hindi ko naman problema ‘yon,” tawa ulit ni Vina. That’s not my problem. I’m just doing my job.”
‘Yon na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan