PARANG LIBANGAN NA lang ni Gretchen Barretto ang pag-usapan ang mga kakikayan ng pagka-materialistic ng orientation ng marami sa showbiz. Hindi raw niya sinagot ang isang question sa ‘Tough Ten’ portion ng The Buzz na, “How much is she really worth?”
Na-realize ni Greta na hindi satisfied si Boy Abunda sa sagot niya dahil ang sabi niya, “I’m priceless.” Palagay namin, okey lang na ganoon ang isinagot ni Greta kaysa nagbanggit siya ng presyo. Kung si Greta mismo, parang hindi na naatim sa sarili ang pagsagot sa ganoong tanong, kami mismo, hindi pabor kung lalabas na ibabalandra pa ni Greta ang worth niya in pesos or dollars, dahil pagmamayabang na walang katulad ang labas nito.
Ibang tao ang dapat sumagot nito, kung alam nila ang kumpletong assets ng aktres. Humanga naman kami kay Greta dahil aminado siyang malaki rin sa assets na ito ay masasabing hindi talaga galing sa kanya, o pinaghirapan niya. Hindi na niya kailangang mag-elaborate.
Napansin lang namin, ang mga ipinahayag ni Greta sa press launch ng album niyang Complicated, ‘yung pagkakasangkot ng mga usapin tungkol sa yaman ay mababang-loob niyang nasasagot nang may discretion.
Mukhang isa itong manifestation na may katotohanan nga ang pagkakalagay ng tuldok sa relasyon nila ni Tony Boy Cojuangco.
Naiangat sa pedestal ang imahe ni Greta among the rich and famous dahil sa impluwensiya ni Tony Boy, at kung totoong wala na siyang kaugnayan dito, maliban sa pagkakaroon nila ng anak, si Dominque, lumalagay na lang siguro sa dapat niyang kalagyan si Greta.
HUMINGI PALA NG pointers si Shaina Magdayao kay Rio Locsin na co-star niya sa Kambal sa Uma para sa atake niya sa role, bilang isa sa kambal. Shaina plays the role of Vira in the new afternoon soap from ABS-CBN. Naroon ‘yung nuances na paggalaw-galaw ng ilong na animo’y sa daga.
“Malayo na talaga sa original story. Dito sa bago, ‘yung mother, as played by Tita Rio, mabubuhay hanggang sa wakas. Sa movie, pagkapanganak niya sa kambal, namatay na siya,” kuwento pa ni Shaina.
Sa bagong teleserye, ang characters nila ni Melissa Ricks ay ipinaglihi sa adobong daga. May phobia pa naman si Shaina sa daga. Paano kaya niya mate-take kung may eksenang may makakasama siyang napakaraming daga?
“Ay, naku, pipilitin ko na lang ma-take! Pipigilan ko ang sarili ko habang action pa. Kapag nag-cut ang direktor, doon ako sisigaw nang malakas!” Tawa nang tawa si Shaina.
Nasabi pa ni Shaina sa amin na due on April 10 ang panganganak ng kapatid niyang si Vina. Ito ang dahilan kung bakit hindi makaaalis this Holy Week si Shaina para mag-out of town. Nasa bahay lang daw sila ni Vina para hintayin ang panganganak nito.
“Puwede naman yata, ‘pag first child, two weeks before, or two weeks after. Depende. Pero, excited na kami. Prepared na, seventh pamangkin ko na bale ito, but very first kay Ate Vina,” nangingiting sabi pa ni Shaina.
Na-sort out na raw ang clothes ng bata from all those gifts sa ginanap na baby shower. So far, kumpleto na raw ang mga gamit ng bata kung sakaling ipanganganak na ito.
Calm Ever
Archie de Calma