KINILALA ang husay at galing ni Vince Rillon sa katatapos lang na lang na 19th Asian Film Festival nang igawad sa kanya ang best actor award para sa pagganap niya sa pelikulang Resbak na idinirek ni Brillante Mendoza. Ginanap ang awarding ceremony sa Cinema Farnese, Campo De Fiori, Rome noong April 12. Ito ang kauna-unahang international acting award ni Vince.
Ayon sa kuwento ni Vince sa ginanap na virtual mediacon para sa pelikulang Kaliwaan, sinamahan lang niya sa Rome si Direk Brillante tatanggap ito ng lifetime achievement award mula sa festival committee.
Sa pagkakaalam ni Vince, tatanggap lang si Direk Brillante ng Lifetime Achievement Award kaya nabigla siya nang tawagin ang kanyang pangalan bilang best actor winner.
“Ang alam ko si Direk Brillante ang bibigyan ng Lifetime Achievement Award. Maya-maya, tinawag yung pangalan ko. Hindi ako prepared. Hindi ko talaga inaasahan yon. Lalo akong natuwa nung tawagin yung pangalan ko,” masayang pagre-recall ng Kaliwaan star.
Patuloy na kuwento ni Vince, “Nagulat din si Direk nang biglang tawagin yung pangalan ko. Sabi ko, ‘Direk, ako ba yung tinatawag?’ Hindi pa ako tumatayo hanggang yung emcee, tinawag ako, ‘Vince Rillon, Vince Rillon, come… come.’
“Nagulat po ako, tumayo ako. Nahiya rin po ako sa suot ko dahil hindi po ako nakaayos. Nakapantalon lang ako at simpleng damit lang din.”
At dahil hindi naman niya expected na mananalo ng award sa Italy kaya hindi siya naghanda ng mga sasabihin or acceptance speech.
Aniys, “Speechless ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Nagpasalamat na lang po ako kay Lord and then sa harap ng aking manager na si Direk Brillante. Yung team ng Resbak.
“Hindi ko po alam ang sasabihin ko. Para akong nabigla.Na-shock po talaga ako.”
Habang nasa Italy ay hindi pa rin daw mag-sink in sa kanya na meron na siyang international acting award mula sa 19th Asian Film Festival.
“Nung nasa Rome ako, hindi ko ma-feel na nanalo ako. Nang umuwi po ako dito sa Pilipinas, don ko na naramdaman na ang sarap po pala. Speechless po kasi ako nung araw na yon. Hindi ako makapaniwala.
“Parang hindi ko ma-explain yung nararamdaman kong saya. Ngayon ko lang po napi-feel na napaka-blessed ko po,” lahad ng Kaliwaan actor.
Isa sa pinapangarap noon ni Vince ang magpunta sa Vatican para magsimba. Pero dagdag na blessing pa ang kanyang natanggap dahil sa pagkakapanalo.
“Nagpunta kami ni Direk sa Vatican. Nag-pray na ako, nagpasalamat na ako kay Lord dahil, unang-una, nakapunta ako sa Vatican. Pangarap ko po talaga na makapasok sa loob ng simbahan na yon. And two days before the awards night, sabi ko kay Direk, ‘Puwede ba huwag na tayong mag-formal?’ Sabi niya, ‘Itanong natin.’
“So, puwede raw, huwag na kaming magsuot ng coat or formal. Yung opening po ng festival, siyempre naka-coat, formal, and tuwang-tuwa ako dahil blessing na po sa akin na nakapasok yung pelikula ko at nag-compete sa festival,”huling pahayag ni Vince na kapareha ni AJ Raval sa Kaliwaan na streaming very soon sa Vivamax.