Kilala si Direk Vince Tañada bilang award-winning actor at direktor sa teatro. Marami na siyang mga stageplay na ginawa at pinagbidahan, na tumanggap ng mga papuri at pagkilala.
Nakasubok na rin siyang lumabas sa pelikula at sa kanyang film debut na “Otso” ay pinarangalan siyang New Movie Actor of The Year sa 30th Star Awards for Movies. Naging tampok din si Direk Vince sa “Esoterika: Maynila” with Ronnie Liang. Ang dalawang pelikula ay kapwa pinamahalaan ni Direk Elwood Perez.
Sa ginanap na blessing recently ng kanyang law firm office na selebrasyon din ng tagumpay ng Philippine Stagers Foundation sa nakaraang 29th Aliw Awards, nakapanayam namin si Direk Vince at nabanggit ang plano niyang sumabak din sa pagdidirek sa pelikula.
“Oo, posible. Mayroon na ‘yan, nakaplano ‘yan talaga sa akin. Next year, next year. Hinihintay ko lang, it’s either QCinema or ‘yung ‘Bangkay’ gagawin kong movie. Ako ang magdidirek, nakausap ko na si John Arcilla para roon sa role. Pinagpaplanuhan, pero… sana, sana.”
Direktor ka lang ba rito, Direk, or lalabas ka rin sa film?
Sagot niya, “Hindi ako lalabas doon, ako ang magdi-direk. I’m not actually enjoying acting in film. Nakadalawa ako, pero hindi talaga ako nag-e-enjoy. Ako’ng magpo-produce, ako’ng magdi-direk, so… Target kong bida rito si John Arcilla, ‘tsaka sana maimbita ko si Arci Muñoz, kasi ‘yung Isabelle (na role) roon ay bagay sa kanya. At saka kasi, I’m a fan.”
Incidentally, congrats kay Direk Vince at sa PSF dahil ang Filipino rock musical play nilang “Katips: Ang Mga Bagong Katipunero” ay nanalo sa Aliw ng Best Original Music Production, Best Director in a Musical para kay Direk Vince, at kay Adel Ibarientios-Lim naman bilang Breakthrough Performance of an Actress.
Ang naturang PSF play ay nakakuha ng 8 nominations sa musical play and acting categories. Kabilang dito ang Best Musical Direction para sa music and scoring ni Pipo Cifra, Best Featured Actor para kay Jomar Bautista, Best Featured Actress kay Adel, Best Actor for Kierwin Larena, at Best Actress para kay Maya Encila.
Ikatlong Aliw award ito ni Direk Vince bilang Best Director. Ang una ay sa sa play niyang “Ako si Ninoy” at sumunod ay sa “Cory ng EDSA”.
Bukod sa pagiging abogado, si Direk Vince din ang founder, president, at artistic director ng Philippine Stagers Foundation (PSF).
May bagong play rin siya, isang three-act play na matutunghayan sa darating na February at March. Una ay ang “Babasagin” sa panulat ni Art Gabrentina, isang dulang absurdo na iikot sa buhay ng isang dumaranas ng krisis sa kanyang pagkatao. Ikalawa ang “Dilaw o Pula” sa panulat ni Vince, isang dulang tatalakay sa trahedya ng pag-ibig, kalayaan, at pag-asa. At ang huli ay pinamagatang “Bagyo! Burol. Beki” ni Sonny Valencia, isang komedya/trahedyang kulay-bahaghari pagkatapos ng unos. Ang Pink Festival play na ito ay mapanonood sa Power Mac Circuit sa Makati.
Inusisa rin namin si Direk kung bakit naisipan niyang gawin ito.
“Sa akin kasi, iyon ang mabenta ngayon, eh. Kapag sinabi mong adult theme, LGBT talaga ang unang papasok sa utak mo, eh. Kasi, mayroon na akong adult theme, iyong ‘Bangkay’, na-try ko na iyon. So ngayon, gusto ko namang i-try – wala pa naman akong ‘yung talagang lahat ay LGBT, kaya ang unang play, tomboyan. Trilogy ito at ‘yung pangalawa ay comedy na baklaan. Iyong pangatlo naman, lalaking-lalaki sila, pero nagka-in-love-an sila,” aniya.
Dagdag pa ni Direk Vince, “This is a special project for me, a break from my usual plays na kalimitan ay mga estudyante ang mga manonood. This time, adult audience naman ang iki-cater namin, medyo sosyal this time para maiba naman,” nakangiting saad pa niya.
Ang “Katips: Ang mga Bagong Katipunero” ay mapanonood hanggang March 2017. For ticket inquiries, bookings and reservations, pls get in touch with 09154440373 or at 09957301254.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio