NOONG 2016, kasama ng Viva Entertainment ang TV5 sa pagpapalabas ng reality-singing competition na Born To Be A Star. Sa palabas na ito nagsimula ang karera ni Janine Teñoso na kinikilala ngayon bilang OST Princess ng Viva.
Ngayong Enero, nagbabalik ang Born To Be A Star para magbukas ng oportunidad sa mga nangangarap na maging sikat na mang-aawit. Ngayong panahon ng pandemya, alam ng Viva na ang palabas na ganito ay kailangan upang ipakita na dapat tuloy lang ang pagtamo ng pangarap.
Kasama ng Viva ang TV5, Sari-Sari at Cignal sa paghatid ng programang ito.
Pagsasamahin ng Born To Be A Star bilang host sina Kim Molina, ang Jowable breakthrough artist and singer, at Matteo Guidicelli, isa ring paboritong aktor at singer. Huling nagkatrabaho ang dalawa bilang judge detectives sa Masked Singer Pilipinas na natapos noong Disyembre 2020.
Ipakikita ng programang ito ang journey ng mga contestants simula audition kung saan masusi silang pagpipilian ng mga Star Judges. Makakasama ni Janine Teñoso bilang Star Judge si Teacher G (Georcelle Sy), na minamahal at nirerespeto bilang artistic director and choreographer.
Ang rap icon at singer-songwriter na si Andrew E ay nagbabalik rin para gampanan ang tungkulin bilang hurado na ginawa niya noon sa Born To Be A Star. And dalawa pang Star Judges ay sina Sam Concepcion at Katrina Velarde, ang “Suklay Diva” na nagpabilib sa Masked Singer Pilipinas bilang Diwata.
18 mula sa 40 na nag-audition ang tutuloy sa boot camp kung saan sila ay sasailalim sa training ng mga Star Mentors na sina Thyro, Wency Cornejo, at Mark Bautista na kapwa eksperto sa pag-perform, pagsulat ng kanta, at paggawa ng areglo ng musika.
Ang Star Judge na si Teacher G ay kasama rin sa pagtuturo para madevelop ang stage presence ng mga kalahok.
Sa oras na magsimula ang singing battle, magkakaroon ng eliminasyon. Sisiguraduhin ng programa na kahit sinoman ang mapauwi ay may baon pa ring bagong kaalaman. Habang hinahanap ng Born To Be A Star ang natatanging contestant na pinakaangat sa lahat, ang lahat ng kalahok ay bibigyan ng kanilang sariling panahon para angkinin ang entablado at ipakita ang kanilang husay sa pagkanta, pati na rin ang magandang personalidad.
Lahat ay may pagkakataong ipakita kung bakit sila ay bituin sa kanilang pamilya, trabaho, o kumunidad.
Ang grand champion ay tatanggap ng P1M at recording at management contract mula sa Viva, ang undisputed star maker mula pa noong 1981.
Ang Viva ay tahanan ng mga paboritong artista sa anumang henerasyon, at patuloy na humuhubog ng mga talento at nagbibigay ng oportunidad para lubos na magningning ang kanilang bituin.
Magsisimula na ang Born To Be A Star sa Enero 30, 2021, Sabado, 7 ng gabi sa TV5.