Dear Atty. Acosta,
NAIS KO lamang po sa-nang isangguni sa inyo ang aking problema. Ako po ay hiwalay na sa aking asawa noong 2006. Kami po ay ikinasal noong 19 anyos lamang ako at siya ay 23 anyos. Nagpakasal po kami dahil sa kagustuhan ng kanyang lola sapagkat bawal ang live-in sa kanilang relihiyon. Sa kanilang kagustuhan, kami po ay nakasal nang walang pahintulot ang aking magulang na nasa ibang bansa at “whereabouts unknown” po ang inilagay kahit alam namin kung nasaan ang aking ina. Ang tiyahin ng aking napa-ngasawa ang pumirma na nagbibigay sa akin ng consent na magpakasal gamit ang pangalan nito ngunit apelyido ko. Ang kasal po ba na ito ay may bisa? Ano po ba ang magandang gawin at murang paraan upang mapawalang-bisa na ang aming kasal?
Ms. Carmela
Dear Ms. Carmela,
AYON SA Article 4 ng Family Code, walang bisa ang isang kasal kung alinman sa mga sumusunod na essential at formal requisites ng kasal ay wala noong naganap ang kasalan:
I. Essential requisites: Legal capa-city of the contracting parties who must be a male and a female; Consent freely given in the presence of the solemnizing officer. (Article 2, Family Code)
II. Formal requisites: Authority of the solemnizing officer; A valid marriage license except in the cases provided for in Chapter 2 of this Title; A marriage ceremony which takes place with the appearance of the contracting parties before the solemnizing officer and their personal declaration that they take each other as husband and wife in the presence of not less than two witnesses of legal age. (Article 3, Family Code)
Maliban sa mga nabanggit, kinakailangan ding magsumite ng parental consent ang mga ikakasal sa local civil registrar kung ang isa o parehong partido sa kasal ay 18-21 taong gulang lamang bago magpakasal. (Article 14, Family Code) Ang kawalan ng parental consent na galing sa magulang ng ikakasal ay magdudulot ng depekto sa kasalang naganap at maihahanay ang kasal sa tinatawag na voidable marriage. Ang voidable marriage ay ang kasal na may bisa hangga’t hindi napapawalang-bisa.
Ayon sa iyo, isang pekeng parental consent ang inyong isinumite sa local civil registrar sapagkat hindi ang magulang mo ang pumirma. Dahil dito, masasabing walang parental consent na naisumite ayon sa hinihingi ng batas. Sa pagkakataong ito, maaaring magsampa ang iyong magulang na hindi nagbigay ng parental consent o ikaw na mismo ng Action for Annulment of Voidable Marriage sa hukuman kung saan hihingin mo o ng iyong magulang na mapawalang-bisa ang iyong kasal.
Paalala lamang na ang nasabing aksyon ay maaaring maisampa ng iyong magulang bago ka mag-21 taong gulang o kung ikaw ang magsasampa ng nasabing kaso, sa loob ng limang taon lamang mula nang ikaw ay mag-21 taong gulang at dapat ay hindi kayo nagsama ng iyong napangasawa noong ikaw ay nag-21 taong gulang na.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 2:00 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta