MATAPOS ANG pagkahaba-habang pag-aalburoto ni Senator Miriam Defensor Santiago sa entablado ng impeachment court sa Senado, napasigaw siya ng “waaaaa” – animoy naguguluhan at naiinis. Naghalakhakan ang ilang mga kasamahan niyang senador. Pagkaraan ng ilang sandali sinabihan niya ang impeachment court stenographer na isama ang salitang “waaaaa” sa record. Muling nagkaroon ng tawanan.
Sinamantala naman ng isa pang Senator Judge na si Tito Sotto ang okasyong iyon at nakisawsaw. Aniya, pinapatanong daw ni Senator Serge Osmeña kung ano ang spelling ng “waaaaa”. Sa muli, nagtawanan na naman ang mga kasamahan niyang Senator Judges. Ang lahat ng ito ay nangyari nu’ng February 29 na hearing ng impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona.
HINDI AKO napatawa sa pinagtatawanan ng mga senador na iyon, bagkus napakunot-noo ako at hindi ko maintindihan kung bakit naging katawa-tawa ang kanilang mga pinagtatawanan. At dahil sila ang mga tinatawag nating mga kagalang-galang na senador, na karamihan sa kanila ay mga matataas ang pinag-aralan, naisip kong baka ako ang may diperensiya at ‘di ko kayang abutin ang mga patawa ng mga honorable Senator-Judges.
Ngunit bigla kong naalaala na mga pulitiko nga pala sila. Mga pulitiko na mahilig gawing katatawanan ang kanilang mga sarili – tulad ng pagsayaw na parehong kaliwa ang paa at pagkanta ng sintunado – sa panahon ng eleksyon para lamang makakuha ng boto. Saka ko naisip na sila pala ang may diperensiya at hindi ako.
ISA PANG napansin ko sa mga nakaraang impeachment hearing sa tuwing nanggagalaiti si Senator Miriam Defensor Santiago at hinahambalos niya ang mga miyembro ng prosekusyon na karamihan ay kapwa niyang mga mambabatas din, walang pumapalag. Bagkus, kadalasan, sinasang-ayunan pa siya ng kanyang mga kapwa senador para dugtungan ang pang-iinsulto sa mga miyembro ng prosekusyon.
Ngunit noong Miyerkules ng hapon napahanga ako ng isa sa mga miyembro ng prosekusyon. Siya ay si Atty. Vitaliano Aguirre II. Nakunan ng video si Aguirre ng isa sa mga TV network na tinatakpan niya ang kanyang dalawang tenga habang nanggagalaiti si Defensor.
Pinagpaliwanag si Aguirre kung ano ang ibig sabihin ng kanyang ginawa. Pero sa halip na mabahag ang buntot at magpalusot, buong tapang na sinabi niya na sinadya niya talaga ang pagtatakip ng kanyang mga tenga habang nagsasalita si Defensor dahil ayaw daw niyang marinig ang boses nito at ang kanyang mga pag-iinsulto.
Ang mga sumunod na pangyayari ay sinamahan si Aguirre papalabas ng impeachment court kaysa lumala pa ang away nila ni Defensor lalo pa nang kampihan ni Senator Jinggoy Estrada si Defensor na siyang mas lalo pang ikina-highblood ni Defensor.
Habang papalabas si Aguirre, sinalubong siya ng masigabong palakpakan ng mga taong naroroon at nanonood. Sila ‘yung mga taong – tulad ko at tulad n’yo – hindi napatawa nu’ng sumigaw si Defensor ng “waaaaa”.
Isang text message ang natanggap ko mula sa hindi ko kilalang numero at sinabing “waaaaa is happening to her brain”? Sinagot ko ang text ng “waaaaa do you mean”?
PARA SA inyong mga sumbong at reklamo magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED. Ang WANTED SA RADYO ay pansamantalang mapapakinggan sa oras na 12:30-2:00 Lunes hanggang Huwebes at 2-4 sa tuwing Biyernes sa Radyo5 sa 92.3fm.
Shooting Range
Raffy Tulfo