NILALAMUTAK NG kaliwa’t kanang batikos si Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa kanyang “campaign promise” na pagsusumite ng isang “waiver”.
Maging ang kanyang mga kaalyado sa Senado at Kongreso ay “tulo-laway” na magsumite na si P-Noy ng “waiver” para sa kanyang mga deposito sa bangko.
Balik-tanaw: Ayon kasi kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III noong siya ay nangangampanya para iboto na maging Pangulo, nakahanda siyang lumagda sa isang “waiver” na nagbibigay pahintulot sa publiko na mabulatlat ang kanyang naka-depositong pera sa alinmang bangko.
Ang nasabing pangako, parekoy, kung matatandaan, ay bilang suporta sa kanyang “campaign line” noon na “matuwid na daan”.
Sa totoo lang, nakalimutan na sana ng sambayanang Pilipino itong pramis ni P-Noy. Na kaya lang naungkat ay dahilan sa “waiver” na isinumite ni Corona noong siya ay tumestigo sa impeachment case sa Senado.
Huwag kalilimutan na maliban sa “waiver” ay mayroon pang ipinangako noon si Noynoy gaya ng pagsuporta para maipasa ang “Freedom Of Information o FOI bill”.
At maging ang matuwid na daan ay suportado rin noon ng kanyang marubdob na pahayag na “kung walang corrupt ay walang mahirap”.
Pangako: Hinggil sa pangako ni P-Noy na “waiver”, akala siguro ng ibang nagku-komentaryo ngayon sa Pangulo ay madali lang ang gumawa ng pa-ngako… lalo kung ito ay gagamitin sa election.
Aba naman, masakit yata sa ulo kung paano kang gagawa ng pangako na kapani-paniwala sa milyon-milyong Pilipino!
Dahil para ito ay maging makatotohanan kapag ipinahayag, kinakaila-ngang kumbinsihin mo muna ang iyong sarili! Nakita n’yo na, parekoy, kung gaano kahirap ang mangako?
Oh, di ba? Kahit napakahirap nito ay nagawa pa rin ni P-Noy na pangakuan tayo noon…. Ang tuparin ‘yun ay kalabisan na! Buti nga sa atin! Hak, hak, hak!
Panglito: Para sa mga tagapagsalita ng Palasyo, bakit kinakailangan pang gawin ni P-Noy ang magsumite ng “waiver” hinggil sa kanyang mga perang nakadeposito sa bangko o mga bangko?
Maliwanag anila, na sa mismong SALN ng kahit sinong opisyal ng pamahalaan ay nakalagay na pinahihintulutan nito ang Ombudsman na bulatlatin ang kanyang mga pag-aari o financial transactions?
Ang pahayag na ito, parekoy, ay maliwanag na isang panglito…. Bakit?
Hindi ba’t may batas nga tayo (bank secrecy law) na ang perang nakadeposito sa bangko lalo na kung ito ay foreign currency (halimbawa ay dollar deposit) ay hindi maaring bulatlatin ng sinuman maliban kung may court order o mismong waiver mula sa depositor?
Pangalawa, dating Kongresista at naging Senador si Noynoy bago ito tumakbong Presidente, kung saan niya ginawa ang nasabing pangako na siya ay magsusumite ng “waiver”.
Alam na alam niya kung ganu’n na sa mismong SALN pa lang ay naroon na pala ang sinasabi niyang “waiver”. Eh, bakit pa niya ito ipinangako sa sambayanan?
Tumpak si Rep. Farinas… ang tawag d’yan ay palusot!!!
Sige pa, tiis pa: Mahigit pa naman tatlong taon, parekoy, bago magtapos ang termino ng Pangulo sa 2016.
Kaunting tiis pa…. ‘Ika nga eh, bigyan natin siya ng kaunti pang panahon. Malay natin, bago bumaba sa Palasyo ay tuparin ang kanyang mga ipinangako…. Gaya nang pagsusumite ng “waiver” at pagsasabatas ng Freedom of Information.
At higit sa lahat, bago siya umalis sa Palasyo, dapat ay wala nang mahirap dito sa ‘Pinas. Dahil kung mayroon pang mahirap ay patunay lamang na maging siya ay corrupt!
At doon na tayo gaganti sa mga pangakong napako. Lahat ng kanyang kandidato sa 2016 ay ating ibasuraaaaaaaaaaaaa!!!
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303