MASAKIT MANG tanggapin pero ang totoo ay wala nang bago sa Kongreso sa Pilipinas. Kung madalas ay nakaiirita ang mga paulit-ulit na tanong ng mga senador na binibitiwan nila sa isang hearing sa Senado, tiyak na mas lalong mag-iinit ang ulo ninyo kung napanood n’yo sa telebisyon ang ginagawang sariling bersyon ng pagdinig sa Mamasapano incident sa Kongreso. Kung tutuusin ay halos 90% ng mga katanungan sa Mamasapano hearing sa Kongreso ay naitanong na sa Senado at ang ibang tanong naman ng mga kongresista ay wala sa hulog. Ibig sabihin ay walang katuturan o ‘di kaya ay out of context.
Logically fallacious kung tawagin sa isang academic discourse ang mga itinatanong at sinasabi ng karamihan sa mga kongresista natin. Ngayon, nagkakalat ang marami sa kanila sa mga ganitong hearing dahil incompetent naman talaga ang iba sa kanila. Walang maitanong na tama dahil wala nang maisip na bago o dahil gusto lamang magpasikat o makisakay sa isyu.
Kung tutuusin ay wala naman nang saysay ang pagdinig na ito. Marami nang naglabasang resulta ng Mamasapano incident at iba-iba rin ang mga sinasabi. Mas nakalilito at tila ginagamit lamang ang mga imbestigasyon para lalong gumulo ang mga datos. Kung ganoon, dadagdag lamang ang resulta ng imbestigasyon sa Kongreso sa kalituhan sa kung ano ang tunay na nangyari sa Mamasapano, kung saan lalo itong magpapabagal sa proseso ng katarungan para sa Fallen 44.
ANG KONGRESO ang huling alas ng Pangulo para maisalba siya sa responsibilidad na pilit niyang tinatakasan. Palibhasa ay sa mga resulta ng imbestigasyon ng PNP at Senado ay parehong lumabas na may malaking pananagutan ang Pangulo sa nangyari dahil nakasama si PNoy sa mga pagpaplanong ginawa ng PNP-SAF. Kailangan ni PNoy ng isang institusyon na kategorikal na magsasabing wala siyang pananagutan sa Mamasapano massacre. Ibig sabihin ay planado na naman ang lahat para linisin at pabanguhin ang administrasyong Aquino.
Maliwanag na ginagamit lang ng Pangulong Aquino ang Kongreso para siya ay malinis sa isyu ng Mamasapano. Tama naman kasing isipin na ang nananatili sa isip ng mga tao ay ang huli nilang maririnig tungkol sa Mamasapano. Sinadya talaga ng Kongreso na huli silang maglalabas ng resulta ng imbestigasyon para ito ang maalala ng tao lalo at malapit na rin ang eleksyon. Bulok na style na ang ganito.
Alam nating lahat na marami ang mga alipores ni PNoy sa Kongreso kaya madaling magamit ito para sa kanyang pansariling interes. Halatang-halata na nililinis lang ng mga kongresistang dabarkads ni PNoy ang pangalang Aquino dahil ito ang puhunan ng mga kongresistang nagnanais na magpalawig ng termino o ‘di kaya’y tatakbo sa mas matataas na posisyon sa politika.
SAYANG LANG ang pondong ginugugol ng Kongreso sa hearing ng Mamasapano. Tiyak na wala tayong mahihita rito kundi isang pagsisinungaling lamang. Galing sa buwis na ating binabayaran ang bawat softdrinks at mineral water na iniinom nila, bawat biskuwit at ulam-kanin na kakainin nila habang tumatakbo ang hearing. Ang sumatotal nito ay tayo na ang ninakawan ng buwis ay sa atin pa gagamitin ang mga pagtatakip na gagawin ng Kongreso para kay Pangulong Aquino.
Ang masaklap sa lahat ay tila yata wala tayong magawa kundi magtiis. Nagtitiis na tayo sa mga kabobohang ipinakikita nila at nagtitiis pa rin tayo sa klase ng serbisyo at trabahong ginagawa nila sa ating gobyerno. Tayo na naman ang talunan sa sistemang bulok na ito. Ngayon ay naghihintay na lang tayo ng pagtatapos sa kanilang mga termino at umaasang hindi na ito mauulit pa.
Nasa ating mga kamay naman talaga ang susi sa pagpapaunlad ng ating bansa. Ngunit dapat ay malaman natin kung kailan ito sisimulan o saan nagsisimula ang susi ng tagumpay nating lahat. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang sagot sa mga tanong na ito. Dapat ay iboto natin ang matalino, mabait, may takot sa Diyos, mapagmahal sa iisang asawa at pamilya, makabayan, at higit sa lahat ay hindi magnanakaw.
Ang ugat ng ating kahirapan ay dahil sa ibinoboto natin ang mga taong hindi karapat-dapat sa posisyong ninanais nila. Mga taong kadalasan ay idinadaan sa pasikatan, pagalingang kumanta o sumayaw sa harap ng publiko, “kagalingan” ng mga kapamilya at kamag-anakan na naunang naupo sa posisyon, at iba pang gawain na kumukuha ng atensyon ng mga tao. Ganito halos ang mga klase ng pulitikong mayroon tayo ngayon sa pamahalaan. Mayroon namang mga pulitikong matitino at maayos magtrabaho ngunit mas natatabunan at nasasapawan ng mga ganitong klaseng mga pulitiko.
KUNG ANO man ang maging resulta ng pagdinig sa Kongreso, malamang na pumapabor ito sa Pangulo. Ngunit ang mahalaga ay alam natin na tahasang panlilinlang ang ilalabas nila sa Kamara. Maging mas kritikal tayo sa mga maglalabasang pananaw at tangkang panlilinlang sa atin ng mga pulitikong kaalyado ng Pangulo sa Kongreso.
Patuloy nating gamitin ang ating pagiging mapanuri at pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip upang hindi basta-bastang malinlang ng mga “bagong tuklas na anggulo o katotohanan” na palalabasin ng mga pulitikong ito.
Ang inyong lingkod ay napanonood at napakikinggan sa Aksyon TV Channel 41 at 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa bago nitong oras na 11:30 am-12:00 nn.
Abangan din ang inyong lingkod sa T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo