Walang “pag-asa” at kotong sa Caloocan

MAGALING MAGSALITA ITONG hepe ng PAGASA-DOST na si Usec. Graciano Yumul.

Na kung pakikinggan ay aakalain mong napakagaling sa pagtupad ng kanyang tungkulin sa pagbibigay-babala sa madlang pipol hinggil sa kalagayan ng panahon.

Tandang-tanda pa natin, parekoy, noong sinibak ni P-Noy ang dating hepe ng PAGASA dahil sa kapiranggot na isyu na diumano ay nagkamali sa pagbigay ng “forecast” sa papara-ting na bagyo.

Pero sa nakaraang bagyong “Juaning” kung saan 26 ang namatay at 31 pa ang nawawala ay tila napakalambot ni P-Noy.

Matatandaang umangal si Albay Gov. Joey Salceda dahil hindi man lang nagbigay ng babala ang PAGASA na may ha-hagupit na bagyo sa Bicol region gayung marami na ang patay sa kanilang lugar.

Dahilan kaya hindi nakapaghanda ang mga Bikolano!

Namputsang buhay ito, parekoy, ang dating hepe na si Prisco Nilo ay kaagad na sinibak noon dahil daw sa pagkakamali sa forecasting, gayung walang iniulat na namatay sa pagkakamaling ‘yun.

Samantalang dito sa pamamahala ni Usec. Yumol, andaming namatay sa kanyang pagkakamali pero hindi sinibak!

Ito ba, parekoy, ang daang matuwid?

NAKAKAAWA ANG MGA vendor sa Caloocan City na walang awa kung kotongan ng mga kasapi ng Reform Department Public Safety and Traffic Management o RDPSTM na pinamumunuan ni Al Sta. Maria.

Sa sumbong ng mga kawawang vendor, bagama’t pinayagan sila ng RDPSTM na maglatag ng mga p’westo sa mga sidewalk ng Caloocan City maging sa Bonifacio Monument Circle, ngunit sinasakal naman sila sa “kotong”.

Ayon sa nagrereklamong mga vendor, P80 hanggang P100 ang kailangan nilang ibigay araw-araw sa mga tauhan ni Sta. Maria kung gusto nilang manatili sa kani-kanilang p’westo.

Tsk, tsk, tsk…. Tinatawagan natin ang pansin ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri na hangga’t maaga ay mabigyan ng kaukulang hakbang ang bagay na ito.

Nag-aalala tayo, parekoy, na baka isa pa ang isyung ito sa magiging batayan ng mga taga-Caloocan sa kanilang pagboto sa darating na 2013 elections.

At sa halip na boto ay baka ngitngit ang makuha nina Recom.

Kaya nga dapat sibakin na itong si Al Sta. Maria!

Mapakikinggan ang aking programang “ALARMA Kinse Trenta” sa DZME 1530 kHz, 6:00-7:00 am, Lunes-Biyernes. Mapapanood din ito via “live stream” sa www.dzme1530.com. Para sa anumang reklamo/reaction, e-mail: [email protected]; call or text 09321688734. 

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSalvage
Next article2 beses ikinasal

No posts to display