Dear Atty. Acosta,
TAONG 2005 PO, nagpakasal kami nang lihim ng boyfriend ko. Ako po ay 20 taong gulang noon at iyong boyfriend ko naman po ay 30 taong gulang na. Pagkaraan ng isang taon mula nang kami ay ikasal ay nagkahiwalay po kami. Nalaman po ng aking magulang ang aking pagpapakasal. Ang katanungan ko po, kung may bisa po ba iyong secret marriage namin? Paano ko po kaya mapapawalang-bisa ang nasabing kasal sakaling iyon po ay legal? May iba na pong pamilya iyong boyfriend ko.
– Juanita
Dear Juanita,
MAHALAGANG MALAMAN MO na ang “secret marriage” ay konseptong nagmula sa mga dayuhan. Ang ibig sabihin nito ay ang pagpapakasal ng sikreto na may nagaganap na seremonya ng kasal subalit walang rekord na lalabas sa publiko tungkol sa nasabing kasal. Sa ngayon, lumilitaw na may dalawang lugar lamang sa Estados Unidos (U.S.A.) ang nagpapahintulot ng “secret marriage”. Ito ay ang mga estado o states ng Michigan at California. Dito sa Pilipinas, walang batas na nagpapahintulot ng “secret marriage”. Lahat ng nagaganap na kasalan sa ating bansa ay kinakailangang mairehistro ng solemnizing officer o taong nagkasal sa Local Civil Registrar, kung saan naganap ang kasalan.
Samakatuwid, ang iyong pagpapakasal ay maaaring lihim at walang nakakaalam maliban sa inyong magkasintahan subalit hindi ito masasabing “secret marriage” sa ilalim ng batas sapagkat may nangyari pa ring ganap na kasalan at kinakailangan itong irehistro ng taong nagkasal sa inyo sa Local Civil Registrar.
Ayon sa ating batas, ang kasal ay may bisa kung mayroong essential at formal requisites ng isang kasal noong ito ay naganap.
Ang essential requisites ay ang mga sumusunod: Legal capacity ng mga ikakasal na dapat ay lalaki at babae. Ang legal capacity ay tumutukoy sa edad ng mga ikakasal na dapat ay may edad na 18 taong gulang o pataas; Consent na kusang loob na ibinigay ng mga ikakasal sa harap ng solemnizing officer. (Article 2, Family Code)
Ang formal requisites naman ay ang mga sumusunod: Authority ng solemnizing officer; Isang valid marriage license maliban sa mga pagkakataong tinukoy ng batas kung saan ang marriage license ay hindi kinakailangan; Isang marriage ceremony na gaganapin kung saan ang mga ikakasal ay haharap sa isang solemnizing officer at personal na idedeklara ng mga ikakasal na tatanggapin nila ang bawat isa bilang mag-asawa sa harap ng mga saksi na hindi kukulangin sa dalawa na nasa hustong gulang na. (Article 3, Family Code)
Maaaring may bisa ang iyong kasal kung ang lahat ng nabanggit sa itaas ay nasunod noong ikaw ay ikinasal. Subalit ayon sa iyo, ikaw ay nagpakasal ng lihim sa iyong kasintahan noong ikaw ay 20 taong gulang lamang. Dahil lihim ang iyong pagpapakasal, maaaring hindi ka nakapagsumite ng tinatawag na parental consent sa local civil registrar na kinakailangan kung ang ikakasal ay 18 hanggang dalawampu’t isang 21 taong gulang lamang alinsunod sa Artikulo 14 ng Family Code. Ang kawalan ng parental consent ay magdudulot ng depekto sa kasal at maihahanay ang iyong kasal sa tinatawag na voidable marriage. Ang voidable marriage ay ang kasal na may bisa hangga’t hindi napapawalang-bisa.
Ayon sa Artikulo 45 ng Family Code, kung ang isang partido sa kasal 18 taong gulang subalit hindi hihigit sa dalawampu’t isang 21 taong gulang noong siya ay ikasal at walang parental consent, maaaring maghain ng Action for Annulment of Voidable Marriage sa hukuman ang nasabing partido, kung saan hihingiin niya sa korte na mapawalang-bisa ang nasabing kasal.
Samakatuwid, maaari kang maghain ng nabanggit na aksyon upang mapawalang-bisa ang iyong kasal. Paalala lamang na ang nasabing aksyon ay maaari mo lamang maisampa sa hukuman kung hindi kayo nagsama ng iyong napangasawa pagkatapos mong magdiwang ng ika-21 kaarawan at ang pagsampa ng kaso ay sa loob ng limang taon mula nang ikaw ay nagdiwang ng ika-21 kaarawan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta