KAMAKAILAN, NAKAUSAP ko ang kaibigan kong respetadong negosyanteng Chinoy sa isang dinner meeting. Sa nasabing pagpupulong, napunta ang usapan tungkol sa mga negosyanteng Koreano na naninirahan sa ating bansa.
Napakinggan niya minsan sa programa kong WANTED SA RADYO sa 92.3FM, Radyo5, ang sumbong ng labing isang babaeng Pilipinong on-line English teachers na ilang buwan nang hindi pinapasuwelduhan ng kanilang among Koreano. Hindi na kumikita ang kumpanya kaya ibebenta na ito sa kapwa Koreano.
Nakausap ko sa telepono ang inirereklamong Koreano. Sa simula ng aming pag-uusap, nagpaliguy-ligoy pa ito hanggang sa ipagmayabang niya ang umano’y kakilala niyang kawani ng Bureau of Immigration (BI).
Pero nabatid ng kausap kong Koreano na seryoso akong pakakasuhan siya sa BI dahil sa mga oras na iyon – sa kabilang linya ng telepono – napakikinggan niyang kausap ko ang spokesperson ng BI.
Kinagabihan ng mismong araw ring iyon, lumipad pabalik ng Korea ang nasabing Koreano. Ang kapwa niyang Koreano na bumili ng kanyang kumpanya ang siyang napilitang bayaran ang mga nagrereklamong on-line English teachers kinabukasan din.
AYON SA kaibigan kong Chinoy, modus operandi raw talaga ng mga mandarambong na negosyanteng Koreano rito na kunwari’y isasara na ang kanilang kumpanya dahil bangkarote na ito at pagkatapos ay babalik na ng Korea.
Pero ang totoo, hindi naman talaga nabangkarote ang kani-lang kompanya, bagkus kumita pa ito. Palalabasin lang na nabangkarote ang kompanya para makalibre sa mga obligasyon nito lalo pa sa capital funds na inutang nila ng 5-6 mula sa malalaking negosyanteng Indian nationals.
Ang perang kinita nila ay kanilang itatakas pabalik ng Korea at ang ibang natitirang pera ay ipapahiram sa bagong saltang Koreano rito sa Pilipinas na kakilala nila upang gamiting puhunan para sa bagong negosyo.
DALAWANG TAON na ang nakalilipas, pinasyalan ko ang isang kaibigan sa Bacolod City. Isang gabi, nang mapagawi kami ng nasabing kaibigan sa isang lugar na maraming gimikan at kumain kami sa isa sa mga restaurant doon, napansin kong maraming mga estudyanteng Koreano na mga lasing ang nagkakalat sa kalye at maiingay.
Sinabi ng aking kaibigan na sakit sa ulo raw talaga sa mga miyembro ng PNP ang mga kabataang Koreano roon dahil sila ang madalas na napapasabak sa kaguluhan.
Kapag dinadala sa presinto, sila na nga ang nanggugulo, sila pa raw itong mga mayayabang at tila walang pagrespeto sa ating mga pilipino.
Halos ganu’n din ang sitwasyon nang minsang mapasyal naman ako kasama ang aking pamilya sa Cebu City. Marami akong napansin na mga kabataang Koreano na lasing at nagkakalat sa kalye. Dito sa Maynila, napapabalita rin ang ilang mga abusadong Koreano na hindi nagbayad ng kanilang bill sa restaurant o pamasahe sa taxi ang mayayabang pa nang dalhin sa presinto matapos maireklamo.
KUNG TUTUUSIN tayong mga Pilipino ang nagturo sa mga abusadong Koreanong ito para huwag tayong respetuhin. Sobra ang pagkakamangha at pagkakaidolo natin sa kanilang lahi.
Kapansin-pansin na halos lahat ng mga soap opera na ipinapalabas sa ating mga TV network ay mga Korean telenovela na isinalin sa wikang Filipino. Kung minsan pa nga, parang ‘di pa tayo kuntento sa pagpapalaganap sa kanilang mga telenovela, gumagawa tayo ng Filipino version ng mga Korean telenovela na ginagampanan ng mga artistang Pilipino.
Inaakala ngayon ng ilang mga Koreanong naririto na diyos ang tingin natin sa kanila at sinasamba natin ang kanilang ta-lento. Napapansin din nilang namamayagpag sa ratings ang kanilang telenovela kumpara sa sariling atin. Kaya wala silang bilib sa mga Pilipino.
Shooting Range
Raffy Tulfo