Dear Chief Acosta:
Ako po ay hiwalay sa asawa at may isang anak na 3 taong gulang. Mag-iisang taon na po kaming hiwalay ng aking asawa subalit hindi po siya nagbibigay ng sustento sa aming anak.
Nagpagawa ang aking asawa sa barangay ng kasulatan na kami raw ay hiwalay na at ‘di na muling magsasama pa. Nakalagay rin sa kasulatan na iyon na ang halaga ng aming bahay ay mapupunta sa akin lahat sa buwan ng June 2009. Napilitan po akong pumirma kahit labag sa aking kalooban. Palagi kasi niyang panakot na kukunin niya sa akin ang aming anak kapag hindi raw po ako pumirma.
Mula noon ay hindi na po nagbigay ng sustento ang aking asawa sa aming anak at nalaman ko mula sa kanyang tiyuhin na may kinakasama na raw iba ang asawa ko. Pinagtataguan na rin niya kami ng aking anak. Sinubukan kong alamin sa aking biyenan kung saan nakatira ang aking asawa subalit ayaw po niya itong sabihin sa akin.
Gusto ko po sanang magsampa ng kaso laban sa aking asawa, paano po ba’ng proseso ang gagawin ko? Saang lugar ko po dapat isampa ang kaso? Anong kaso po kaya ang isasampa ko laban sa asawa ko? Magkano po kaya ang halaga na magagastos ko sa paglakad ng kaso. –Marlyn
NAKAKALUNGKOT PONG ISIPIN na marami sa ating pamilya ang nagkakawatak-watak dahilan sa hindi na magkasundo ang mag-asawa. At isa ang pamilya ninyo sa mga pamilyang iyon. Ipagdasal na lang po ninyo na sana ay malampasan ninyo ang pagsubok na ito sa inyong buhay.
Nabanggit po ninyo sa inyong liham na kayo ay may pinirmahang dokumento na nagsasaad na kayo ay hiwalay na ng inyong asawa. Ang nasabi po ninyong kasulatan na inyong pinirmahan ay walang bisa sa ating batas at hindi magiging dahilan upang ang inyong kasal sa inyong asawa ay ituring na walang bisa na. Dapat po nating malaman na ang isang kasal ayon sa ating Family Code ay isang permanenteng kasunduan sa pagitan ng lalaki at babae, kung saan bubuo sila ng isang pamilya at relasyon, na ang kanilang mga ari-arian ay pagsasamahin nila para sa kapakanan ng kanilang pamilya maliban lamang kung mapagkasunduan ng mag-asawa sa isang marriage settlement na ang kanilang mga ari-arian ay hindi nila pagsasamahin. Ang kasal ay isa ring pundasyon ng pamilya at isang institusyon, kung saan ang lahat ng bagay na patungkol dito ay isinasaad sa ilalim ng batas at alituntunin ng Family Code. Maituturing din itong isang espesyal na kontrata at isang uri ng estado.
Kung sa isang karaniwang kontrata ay pinapayagan ang mga taong sangkot dito na pagkasunduan na p’wede nilang wakasan ang kani-kanilang mga obligasyon sa bawat isa sa isang takdang araw, ito ay hindi pinapahintulutan na mangyari sa isang kasal.
Ang mag-asawa ay hindi maaaring pagkasunduan ang kanilang paghihiwalay sa pamamagitan ng isang kasulatan kung saan nakapaloob ang kanilang kasunduang magkanya-kanya na ng buhay at maari ng makipagrelasyon sa iba. Dalawang bagay lamang ang maaaring magbigay ng wakas sa isang kasal. Isa rito ay kamatayan ng sinuman sa mag-asawa at ang isa ay ang deklarasyon ng husgado na ito ay wala nang bisa o pinapawalang-bisa na.
Sa mga inilahad po ninyong salaysay, nakikita rito na bagamat may pinagkasunduan na kayo ng inyong asawa tungkol sa inyong paghihiwalay ay mananatili pa rin kayong kasal at legal na mag-asawa sa mata ng batas. Kaugnay po nito, maaari pa rin kayong humingi ng suporta mula sa inyong asawa. Obligasyon ng mag-asawa na suportahan ang bawat isa at suportahan ang kanilang mga anak.
Bilang pagtugon sa inyo pong katanungan kung ano ang kaso na angkop na isasampa ninyo laban sa inyong asawa, ang amin pong sagot ay depende kung ano po ang gusto ninyong mangyari. Kung gusto po lamang ninyong humingi ng suporta mula sa inyong asawa, kayo ay maaaring magsampa ng isang kaso upang hilingin sa korte na kayo at ng inyong anak ay mabigyan ng suportang pinansyal. Ito po ay maaari po ninyong isampa sa alinman sa mga nakatalagang Family Courts sa lugar kung saan kayo nakatira. Kung wala naman pong Family Courts sa inyo pong lugar, maaari po ninyong isampa ang kaso alinman sa mga Regional Trial Courts sa inyo pong lugar.
Kung ang gusto naman ninyo ay bigyan ng katarungan ang pag-abandona ng asawa ninyo sa inyo at ng inyong anak, maaari kayong magsampa ng kasong kriminal ayon sa batas na R.A. 9262 o mas kilala sa titulong “Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004”. Maaaring isampa ang kasong ito sa lugar kung saan nangyari ang pag-aabandona. Kapag napatunayan na ang inyo pong asawa ay nagkasala, siya po ay makukulong.
Alinman po sa mga ito ang inyong pipiliing remedyo, kakailanganin po ninyo ang serbisyo ng isang abogado. Maaari rin po kayong makakuha ng serbisyo ng Public Attorney’s Office (PAO) kung makakapasa po kayo sa pamantayan ng opisina. Ang gastusin para sa mga kasong ganito ay hindi din naman po kalakihan. Maaari kayong magtanong sa Office of the Clerk of Court (OCC) kung magkano po ang karaniwang filing fees para sa ganitong kaso. Subalit kapag ang PAO ang hahawak sa inyong kaso kayo ay walang babayarang filing fees. Libre rin po ang serbisyo ng mga abogado.
Atorni First
By Atorni Acosta