Dear Atty. Acosta,
AKO PO ay Plaintiff sa isang kaso. Nais ko lang po malaman kung ano ang dapat kong isampang kaso sa taong kinasuhan ko dahil hindi siya sumisipot sa mga hearing o pagdinig sa korte. Nakapirma po siya sa summon at notice of hearing bilang patunay na natanggap niya ang mga ito.
Eddie
Dear Eddie,
AYON SA Inyong salaysay, kayo ay isang Plaintiff sa isang kaso. Marahil po ang kasong isinampa ninyo ay isang kasong sibil o Civil Case dahil sa pagbanggit ninyo na kayo ay isang Plaintiff. Ang summon ay isang kautusan ng korte sa Defendant sa isang kasong sibil o civil case para sagutin ang mga paratang laban sa kanya. Ang mga paratang na kailangang sagutin ng defendant ay iyong nakasaad sa Complaint o reklamo na isinampa ng Plaintiff sa korte. Ang notice of hearing naman ay ibinibigay ng korte para i-paalam at ipaalala ang petsa ng mga susunod na hearing o pagdinig.
Maaaring sumagot o hindi sumagot ang Defendant sa mga paratang sa kanya. Ang kaso ay uusad pa rin kahit walang sagot ang Defendant sa Complaint o reklamo basta nagkaroon na ng hurisdiksyon ang korte sa kanya. Sa ilalim ng ating batas, walang paglabag ang Defendant kapag siya ay hindi sumagot sa summon na ipinadala ng korte. Kapag hindi sumagot ang Defendant sa mga paratang sa kanya, maaari siyang ipadeklara na in default. Kung in default na ang Defendant, siya ay hindi na maaaring magpresenta ng kanyang ebidensya. Ang tanging karapatan niya ay ang makatanggap ng notice o paalala ng mga nakatakdang hearing o pagdinig. Sa gayon, ang korte ay magbababa ng desisyon ayon sa mga ebidensiyang ipinasa sa kanya ng Plaintiff.
Sa inyong isinalaysay, ikinalulungkot naming ipaalam na wala kang maaaring isampang kaso laban sa Defendant kahit pumirma siya sa summon at notice of hearing. Ang kanyang pagpirma ay patunay lang na natanggap niya ang summon at notice of hearing na ipinadala ng korte.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta