• 0921682xxxx – Sir Raffy, sana po ay bigyan ninyo ng pansin ang isusumbong ko sa inyo. Ako po si Richard Calbario ng Pasay, Makati. Dito po sa kanto ng Edsa Ext. going to Park Avenue, lahat po ng jeep na dadaan sa lugar na ito ay obligadong magbigay sa Pasay Traffic Enforcer na nakapuwesto rito. At kapag hindi nagbigay ng barya ang mga driver ay bibigyan ng tiket. Kawawa po talaga ang buhay ng mga driver na ito dahil mula alas-dos ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ay wala silang tigil sa pangongotong. Sa mga oras na nabanggit ay hindi nila ginagampanan ang kanilang trabaho dahil ang tanging pinag-uukulan nila ng pansin ay ang pangongolekta sa mga driver. Maraming salamat po.
• 0939299xxxx – Idol Raffy, nais ko po sanang ipaalam sa inyo ang aming reklamo. Nagtataka lamang po kaming mga driver ng San Juan at Cubao dito sa Divisoria ang palaging puntirya ng mga walang pusong ma-ngongotong. At kapag po kami ay hindi nagbigay sa mga enforcer na ito ay mumurahin pa po kami. Limang piso hanggang sampung piso ang hinihingi nila sa amin. Hirap na hirap po kami para kumita pagkatapos po ay hahati pa sila. Sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang aming problema.
• 0933207xxxx – Mr. Tulfo, sana po ay mabigyan ninyo ng pansin ang aming hinaing. Mayroon pong check point dito bago pumanhik ng Nagtahan. Ang tanong lang po namin ay kung bakit hindi matigil ang pang-aabusong ginagawa ng mga pulis patolang nakabantay rito. Kawawa po kaming mga trucking dahil patuloy kaming ginagatasan ng mga pulis na ito. Sana po ay bigyan ninyo ng pansin at maipahatid sa kinauukulan. Maraming salamat at more power po sa inyong programa.
• 0921609xxxx – Sir Tulfo, gusto ko pong isumbong sa inyo ang maling ginagawa ng Xavier Medical Center sa Barangay San Antonio, San Pedro, Laguna. Ang mga pasyenteng hindi nakakabayad sa kanilang bill ay dine-detain nila sa 4th floor ng kanilang gusali. Minsan po akong dumalaw sa nasabing lugar, makikita po ninyo ang kaawa-awang lagay ng mga pasyente. Walang ilaw at parang mga preso ang sitwasyon ng mga tao rito. At natunghayan ko rin po nu’ng ako ay dumalaw na ang isang matandang muntik nang mamatay dahil sa walang hangin na pumapasok dito. Sana po ay makita ninyo at maipaalam sa tamang kawani ng gobyerno ang maling ginagawa ng ospital na ito. Maraming salamat po.
• 0921777xxxx – Sir Raffy, sana po ay bigyan ninyo ng leksyon ang mga pulis na araw-araw na nangongotong sa lugar ng Maynila. Ang mga jeep, bus at FX na duma-daan dito ay obligadong magbigay ng dalawang piso. Ang kanila pong taga kolekta ay isang cigarette vendor. Sobra ang pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga pulis na ito. Hindi nila alintana ang hirap ng pagmamaneho para kumita at maiuwi sa pamilya. Idol, tulungan po ninyo kami na sugpuin ang mga pulis na ito.
Kung kayo ay may mga sumbong na nais ninyong iparating sa inyong lingkod itawag sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) sa 0908-87-TULFO. Ang IMKT ay isang segment ng Balitaang Tapat na mapapanood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30-12:15. Maaari ring kayong tumawag sa WANTED SA RADYO (WSR) sa 0917-87-WANTED. Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes 2-4 pm. Ito ay mapapanood simulcast sa AKSYON TV, Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo