NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming text hotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
- Reklamo ko lang po iyong Math teacher ng anak ko dahil ayaw pirmahan ang clearance ng mga bata. Dapat daw ay magbigay ng ice cream o kaya ay turon bago siya pumirma.
- Itatanong ko lang kung legal ba sa mga public school na magpabayad ang mga teacher ng penalty sa mga parents na dili maka-attend sa general PTA meeting. Napakarami pa rin pong ibang bayarin na sinisingil sa mga estudyante.
- Sa San Gabriel Elementary sa Sta. Lucia, Quezon City ay marami pong binabayaran bago nila i-release ang card. Naniningil sila ng P200.00 bawat bata. Tulungan n’yo po kaming mga magulang na wala namang kakayahang magbayad nang ganoon.
- Hihingi lang po ako ng tulong, kasi po iyong anak kong Grade 7 sa Carlos “Botong” Francisco Memorial National High School sa Angono, Rizal ay napapagod na po sa kapapabalik-balik sa school kasi ayaw pirmahan ang clearance nila dahil hinihingian daw po sila ng P450.00 para sa miscellaneous fee. Sana po ay matulungan n’yo kami.
- Irereklamo ko lang po ang mga baradong drainage dito sa Tierra Monte, 4B Silangan, San Mateo, Rizal. Napakatagal na po ito kaya sana ay maaksyunan na ng mga kinauukulan.
- Baka po puwede n’yo aksyunan iyong sidewalk na ginawang tambakan ng mga second hand lumber sa kanto ng Luzon Avenue corner Calamansi Street sa Brgy. Culiat, Quezon City. Wala na po kasing madaanan ang mga pedestrian dahil sa kalsada na dumaraan at delikado rin po ang mga nakausling pako mula sa mga kahoy na maaaring makasugat sa mga dumadaan.
- Tulungan n’yo naman po kami kasi inirereklamo ko iyong sa tabing ilog dahil nagmistulang imbakan ng basura at sobrang baho po. Tinatambakan na rin ng mga patay na hayop. Kami ngang matatanda ay hindi kaya ang amoy, mas kawawa naman po ang mga bata.
- Reklamo ko lang po ang Baao National High School sa Baao, Camarines Sur dahil naniningil po ang mga teacher ng P720.00 at kapag hindi makabayad ay hindi pipirmahan ang clearance.
- Isang concerned citizen po ako rito sa Meycauayan, Bulacan. Pakikalampag naman ang mga kinauukulan dito sa amin dahil araw-araw na lang pong traffic dito at wala namang mga traffic aide na umaasiste sa trapiko. Sana po ay matulungan ninyo kami.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Luneshanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo