Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO PONG malaman kung may bisa ba ang kasal namin ng asawa ko. Wala kaming “marriage license” nang kami ay ikasal dahil sa ako ay 17-anyos lamang noon. – Margarita
Dear Margarita,
DAPAT MAUNAWAAN NG lahat na ang kasal ay isang uri ng sagrado at espesyal na kontrata sa pagitan ng isang babae at lalaki at isinasagawa ayon sa batas. Ang batas na sumasaklaw rito ay ang Family Code of the Philppines. At ayon sa Article 2 ng Fa-mily Code, mahalaga na ang bawat ikakasal ay may “legal capacity”. Ang ibig sabihin nito, ang bawat magpapakasal ay dapat nasa wastong gulang at may kakayahan na pumasok sa isang kasunduan, kasama na rin dito ang kakayahan na maintindihan ang mga responsibilidad na kaakibat nito. Ang wastong gulang ayon sa Article 5 ng Family Code, na naisa-batas noong Agosto 3, 1988, ay disi-otso (18) pataas.
Ayon sa iyo, ikaw ay disi-siyete (17) anyos lamang nang kayo ay ikasal. Kung ang inyong kasal ay naganap bago maging epektibo ang Family Code noong Agosto 3, 1988, ikaw ay mayroong kapasidad na magpakasal. Ayon sa Article 54 ng Civil Code of the Philippines, “x x x any female of the age of fourteen years or upwards, x x x may contract marriage.” Ngunit, kung ang inyong kasal ay naganap sa taong epektibo na ang Family Code, masasabi na ikaw ay wala pa sa legal at wastong gulang sa pagpapa-kasal dahil sa ikaw ay menor de edad pa lamang nang panahong iyon at wala ka pang sapat na legal na kakayahan na pumasok sa isang kasunduang gaya ng kasal. Dahil dito wala ang elemento ng “legal capacity”.
Isa pang elemento na wala sa inyong kasal ay ang “marriage license.” Ayon sa Article 3 ng Family Code “The formal requisites of marriage are: x x x (2) a valid marriage license x x x” Ang layon nito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga taong may nalalamang impormasyon tungkol sa mga hadlang sa napipintong kasal na maipagbigay-alam ito sa Local Civil Registrar.
Dahil wala ang dalawang mahalagang elementong nabanggit, maaaring maipawalang-bisa ang kasal ninyong mag-asawa. Nasasaad din sa Article 35 ng Family Code na ang mga sumusunod na kasal ay void from the beginning: “(1) Those contracted by any party below eighteen (18) years of age even with the consent of parents or guardians; x x x (3) Those solemnized without a license, x x x” Samakatuwid, dahil ang inyong kasal ay gaya ng mga nabanggit na void from the beginning, maaari ninyong idulog sa korte ang pagpapawalang-bisa nito. Tandaan na kahit na labag sa batas ang pagpapakasal ninyong mag-asawa, mahalaga na ito ay dumaan sa tamang proseso sa korte at dapat ding maglabas ng pinal na desisyon ang korte ukol dito. Hindi kayo maaaring magpakasal o makisama sa iba hangga’t hindi napapawalang bisa ng korte ang inyong naunang kasal.
Let us watch Atty. Persida Acosta at “PUBLIC ATORNI”, a reality mediation show every Thursday after Aksyon Journalismo at TV5.
Atorni First
By Atorni Acosta