HINDI N’YO ba napapansin na tuwing uulan na lamang ay bumabaha sa buong Metro Manila? Hindi naman bagyo ang dumarating at parang ordinaryong malakas na buhos ng mga pag-ulan lamang sa loob ng isa hanggang dalawang oras ay lumulubog na ang buong Kamaynilaan. Bakit taun-taon ay palala nang palala ang problema natin sa baha? Ang pinakamalupit nito ay ang lalong pagsisikip ng trapiko at talagang wala nang galawan hanggang maghating-gabi.
Ano ba ang ginagawang hakbang ng pamahalaan dito? May mga pondo namang inilaan at ang malaking perang ginamit pa nga ay nanggaling sa DAP ng Presidente, pero parang walang nangyari sa mga pinondohang proyektong ito. Ang lagi na lang sinisisi ay ang masamang panahon, kakaibang lakas at buhos ng ulan at ang climate change.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang malaking problema ng Metro Manila sa baha at ang mga palpak na trabaho ng gobyerno na tila nagsasayang lang ng pera. Ano ba ang dapat gawin ng gobyerno at bakit tila walang magawa ito sa problema ng baha sa Metro Manila? Ano ang mga napipintong trahedya na maaaring mangyari sa mga taong naninirahan dito kapag dumating ang mga tunay na bagyo at tumama sa National Capital Region (NCR)?
HINDI NAMAN siguro kailangan na mauwi sa pagpapagawa ng malaking Bangka gaya ng itinayo ni Noah sa kuwentong Bibliya nang magbaha nang napakalalim sa mundo at ikinasawi ng lahat ng taong hindi nakasakay sa higanteng bangkang ito. Maari kasing maikumpara sa palanggana ang Metro Manila tuwing umuulan ng malakas dahil tila naiipon lang sa kalsada ang tubig ng ulan at walang nilalabasan.
Umaapaw din ang lahat ng ilog at mapapaisip ka na baka nga mas mataas na ang lebel ng tubig sa dagat kaysa sa lupa. Parang walang mga drainage at pump ang mga kalsada dahil sa loob ng ilang minuto habang bumubuhos ang malakas na ulan ay mabilis na tumataas ang tubig sa kalsada.
Kaawa-awa ang mga sasakyang nakaparada sa kalsadang bahain dahil kagyat na lumulubog ang mga ito at hindi na naiaalis pa ng may-ari. Ipit naman sa trapiko ang lahat ng aabutan ng malakas na ulan at walang magagawa kundi magbuntong hininga at magalit sa gobyerno. Ganito na lang lagi ang sitwasyon dito sa Metro Manila sa tuwing uulan ng malakas kahit na walang bagyo.
ANO BA ang nangyari sa mga pump na inilagay kuno sa mga kalsadang bahain? Dapat siguro na sipain sa trabaho ang mga engineers at opisyales ng MMDA na humawak sa mga proyektong ito. Maliwanag pa sa sikat ng araw na palpak ang trabaho nila at nagsayang lang sila ng pera ng taong bayan. Wala naman kasing pagbabago sa mga pagbaha at ang nakagugulat ay mas lumalala pa ang problema sa baha.
Hindi ba dapat ay mabawasan man lang ang mga pagbaha sa Metro Manila kung talagang ginawa nila nang maayos ang kanilang trabaho? Ang nararanasan nating lahat ay mas masahol pa sa dati! Tila inutil ang mga ahensyang inatasan ng pamahalaan para ayusin ang problemang ito. Wala bang makuhang matino at matalinong engineers ang pamahalaan para solusyunan ang grabeng pagbaha?
Hindi naman siguro hopeless ang Metro Manila sa problemang ito? Paulit-ulit lang kasi ang problema at parang wala nang magawa ang gobyerno. Bakit hindi bigyang prayoridad ang problema sa baha habang hindi pa humahantong sa mas mapaminsalang epekto na dulot nito. Mas mahirap na ang sitwasyon kung ang pinsala ng baha ay aabot sa pagkamatay ng maraming mga residente ng Metro Manila kung magkakataong malakas na buhos ng ulan na dala ng malakas na bagyo ang tatama rito.
ISIPIN NATIN na simpleng mga malalakas na ulan lamang ang bumubuhos sa Metro Manila ngunit matinding pagbaha na agad ang epekto nito. Kung magkakaroon ng malakas na bagyo na magdadala ng maraming tubig dito ay tiyak na maraming mapapahamak sa lalim ng tubig na bubuhos sa buong NCR.
Hindi makakayanan ng mga rescue teams at iba’t ibang sangay ng gobyernong nagreresponde sa tuwing may pagbaha dahil tiyak na lulubok ang 90% ng Metro Manila. Walang madadaanan at walang tulong na darating sa mga higit na nangangailangan.
Hindi na natin dapat hintayin ang malakas na buhos ng ulan dala ng isang malakas na bagyo dahil kapag nangyari ito ay huli na ang lahat. Dapat ngayon pa lang ay ituring nating seryosong babala ang mga mabilisang baha at pagtaas ng tubig sa isang mala-higanteng baha gaya ng sa kuwento sa Bibliya na hinarap ni Noah.
PANAHON NA para baguhin ng gobyerno ang istratehiya nito para solusyunan ang problema sa baha. Dapat kumuha ng mga eksperto ang pamahalaan sa ibang bansa kung kinakailangan para pag-aralan ang problemang ito. Tila kasi hindi sapat ang ginagawang tugon ng gobyerno sa problema ng baha sa Metro Manila kaya habang tumatagal ay lumalala at lumalaki ang problema natin sa pagbaha.
Kung kinakailangan din ay dapat magpatupad ang pamahalaan ng pagbabawas ng mga tao sa Metro Manila lalo na iyong mga naninirahan sa mga lugar na dapat ay dinadaluyan ng tubig-ulan sa tuwing bubuhos ng malakas ang ulan.
Kung kinakailangan ay dapat ding magsagawa ng major city replanning kung saan ay dapat magbawas ng mga istraktura at magsaayos ng mga kalsada at daluyan ng tubig. Dapat ding maglunsad ng major clean-up sa mga estero at ilog. Panahon na rin para bigyan ng malilipatang bahay at tuluyan nang alisin ang mga informal settlers at mga bahay nilang nakatayo sa gilid ng mga ilog.
May magagawa tayo. May magagawa ang pamahalaan. Dapat ay ngayon na kumilos habang hindi pa huli ang lahat.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo