SA KABILA NG kanyang katanyagan, sa gitna ng pagdambana ng buong mundo sa kanyang talento sa pagkanta at pagsayaw, sa kabila ng inggit sa kanya ng mga nangangarap na maging siya isang araw, nandu’n sa likod nito ang isang napakalungkot na kuwento.
Namaalam na nga ang King of Pop na si Michael Jackson sa edad na singkuwenta. Para sa isang taong punumpuno ng talento, napakaagang edad nu’n para mamaalam. Napakaraming nanghihinayang sa mga magagawa pa sana ni Michael Jackson.
Mula nang mamaalam ang Pop Icon, nakapagkit na ang mga mata namin sa CNN. Wala kaming kapagod-pagod na panoorin ang mga kuwento ng pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay at career.
Ipinalabas ang mga una niyang panayam, markado ang isang interbyu kung saan diretso niyang ikinuwento kung gaano siya kalungkot bilang isang bata.
Sa kanyang kinasanayang buhay na recording-bahay lang ang ikot ng kanyang mundo, nalulungkot-naluluha siya kapag nakakakita ng mga batang masayang naglalaro sa kalye.
Ang tanong ni Michael sa kanyang sarili, bakit sila’y may panahong maglaro, samantalang siya’y wala. Para siyang kalabaw na tinalian na sa leeg ng kanyang ama para kumanta lang nang kumanta.
At ang pinakamasakit pa, kapag dinadalaw siya ng pagod at pagkasunog na sa ginagawa niyang pagkanta at gusto niya namang mamahinga, pinapalo siya ng kanyang ama.
Ang tingin daw sa kanya ni Joe Jackson ay isang gansa na nangingitlog ng ginto, kaya ang pagkakataong ‘yun ay hindi nila dapat sayangin.
At napakahirap, sabi ni Michael sa panayam, sa kabila ng kanyang sama ng loob bago sila umakyat sa entablado ng kanyang mga kapatid bilang The Jackson Five, wala siyang maaaring pamilian.
Kahit sariwa pa sa kanyang kalooban at pisikal na katawan ang malalakas na palo ng kanyang ama, kailangan pa rin niyang mag-perform. Kailangan niyang ngumiti sa manonood, dahil wala namang pakialam ang audience sa kanyang personal na problema.
Sa diretsong tanong sa kanya kung masaya ba siya sa kanyang katayuan bilang isang King of Pop, ilang segundo siyang hindi muna sumagot. Sa muling pagbuka ng kayang bibig ay inamin niya, “I’m a very, very lonely man.”
‘Yun ay sa kabila ng napakalaki niyang pangalan, sa kabila ‘yun ng milyon-milyong dolyar na benta ng kanyang mga album, kalungkutan ang kaulayaw niya sa araw-araw.
SI MICHAEL JACKSON lang naman kasi talaga ang nakapagpe-perform na parang wala nang bukas pa. Kung sumayaw at kumanta siya, parang bawal nang magsayaw pa uli bukas, bigay na bigay siya, kaya naman pakiramdam ng mga manonood ng kanyang mga konsiyerto ay sobrang tubo sa puhunan ang kanilang nakukuha.
Kahit saang audition, palaging bida ang kanyang “Billy Jean,” ginagaya ng mga bata ang mabilis na galaw ng kanyang mga paa, lalo na ang pinasikat niyang ‘moonwalk.’
Sabi nga ng kanyang mga kasamahan, walang maaaring pumalit sa tronong iniwanan ni Michael Jackson. Marami pang ibang darating na aangat din ang pangalan, pero ang tatak na iniwanan ni Michael Jackson ay hindi makakayang pantayan ng sinuman.
Sa pagpanaw ni Michael Jackson, hindi gaanong napansin ang pagpanaw rin ng isang Hollywood actress na naging bahagi ng buhay ng mga Pinoy sa pamamagitan ng seryeng “Charlie’s Angels,” si Farrah Fawcett.
Sa mga pahayagan sa Amerika, si Michael Jackson ang nasa headline, si Farah Fawcett ay nasa isang gilid lang, at wala pa ngang larawan.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin