Dear Atty. Acosta,
ANG PROBLEMA ko po ay tungkol sa impormasyon sa aking birth certificate. Hindi ako lehitimong anak at wala akong middle name sa tala ng a-king kapanganakan mula sa city hall at sa NSO. Subalit sa lahat ng mga dokumento ko ay ginagamit ko ang middle name ng aking ina. Ano po ba ang dapat kong gawin upang maipatala ang middle name ng aking ina sa aking birth certificate?
Rey
Dear Rey,
HINDI MALIWANAG sa iyong sulat kung ano ang apelyidong nakasaad sa iyong birth certificate. Ayon sa ating batas maaaring gamitin ng hindi lehitimong anak ang apelyido ng kanyang ina at mananatili siya sa pangangalaga nito. Subalit maaari ring gamitin ng anak ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay kinikilala nito bilang kanyang tunay na anak. Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 9255 na nagsasabing, “Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. x x x”
Sa iyong sitwasyon, hindi tama na gamitin mo ang middle name ng iyong ina. Kung ang apelyido na nakasaad sa iyong birth certificate ay ang apelyido ng iyong ama, ang magsisilbing middle name mo ay ang apelyido ng iyong ina. Hindi mo maaaring gamitin ang middle name ng iyong ina sapagka’t hindi naman kayo pareho ng magulang. Kung inyong mapapansin, ang kalalabasan nito ay tila kayo ay magkapatid kung iyong gagamitin ang kanyang middle name, kung kaya’t hindi ito maaaring gawin. Ngunit kung nais mong magkaroon ng tala na magpapakita na ang apelyido ng iyong ina bilang iyong middle name, kailangan mong magtungo sa Local Civil Registrar ng siyudad o probinsya kung saan nakatala ang iyong kapanganakan, at hilingin ang pagdagdag ng apelyido ng iyong ina bilang iyong middle name.
Sa kabilang banda, kung ang apelyido na nakalagay sa iyong tala ng kapanganakan ay ang apelyido ng iyong ina, ang kailangan lamang lumabas bilang iyong pangalan ay ang iyong given first name at surname ng iyong ina. Ito ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ang pangalan ng isang tao na hindi lehitimong anak at hindi kinikilala ng kanyang ama ay ang kanya lamang given name at ang surname ng kanyang ina, at wala siyang gagamiting middle name. (Philippines vs. Capote, 514 SCRA 76)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming
ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o ma-daragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Malugod namin kayong inaanyayahan na manuod ng mediation on air “Public Atorni:Asunto o Areglo” sa TV 5 mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas-2 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta