LUBOS NA nakalulungkot ang patuloy na pagbagsak ng kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng mga pampublikong paaralan dito sa Pilipinas. Lumipas na yata talaga ang panahon na kayang-kayang sumabay, kung ‘di man manaig, ng mga pampublikong paaralan laban sa mga mas mahal na pribadong eskwelahan. Ito ay isang tunay na trahedya dahil inaasahan pa naman ng lahat na ang libreng edukasyon ang maaaring gamiting kasangkapan ng mga mahihirap upang maiangat ang kanilang mga estado sa buhay. Ngunit kung ang antas ng karunungan na inaalok ngayon sa mga pampublikong paaralan ay isa lamang pormalidad, isang seremonya upang paniwalain ang mga mamamayan na ginagampanan ng gobyerno ang kanyang tungkulin, ang pag-asa ng edukasyon ay isa lamang imahinasyon.
Nakakapanghinayang. Naaalala pa siguro natin ang panahon na kapag nabanggit mo na ikaw ay “Section 1” sa isang pampublikong paaralan, inaasahan ng lahat na kayang-kaya mong ilampaso kahit ang pinakamahusay na mag-aaral ng isang mahal na pribadong eskwelahan. Umaasa rin ang iyong mga magulang na ikaw palagi ang mananalo sa mga paligsahan kahit na “nutri-bun” lang ang laman ng iyong sikmura at buong umaga mo ay nauubos lang sa paniningil sa mga kaklase mo na bumili ng pastillas at pulburon sa inyong mga guro. Ngayon, kapag nalalaman ng mga tao na ikaw ay nanggaling sa isang pampublikong paaralan, inaasahan nila na isa ka ring rapper at meron kang text clan.
Malalim ang ugat ng suliranin na ito. Hindi lamang kulang na pondo, mga sirang upuan, mga bulok na silid-aralan, o mga aklat na mali-mali ang nilalaman. Mas nararapat na isaalang-alang ang pagkatao ng mga lingkod-bayan na naatasan na mangalaga sa ating sistema ng libreng edukasyon. Kahit gaano pa karami ang materyales sa ating mga silid-aklatan, kung walang malasakit at integridad ang mga naglilingkod at namununo sa ating mga pampublikong paaralan, nakasakay lang tayo lahat sa isang tsubibo. Ang sistema ng libreng edukasyon sa Pilipinas ay isa lamang peryahan.
Kamakailan lang, inakusahan ang principal ng Quezon City Science High School ng katiwalian sa pagganap sa kanyang tungkulin. Ito ay lubhang nakagugulat dahil kilala ang Quezon City Science bilang isa sa pinakamahusay na paaralan sa Pilipinas. Ayon sa reklamo laban sa nasabing principal, lantaran nitong inendorso ang isang “tutorial center” sa mga mag-aaral na gustong makapasok sa Quezon City Science. Palihim na ibinibinigay rin umano nito sa nasabing “tutorial center” ang mga tanong sa entrance exam ng Quezon City Science para masigurong papasa ang kanilang mga kliyente.
Kung mapatutunayan ang mga paratang na ito, hindi lamang dapat matanggal sa kanyang tungkulin ang nasabing principal. Dapat din siyang managot sa batas. Hindi lamang ang reputasyon ng Quezon City Science ang nawasak nang dahil lamang sa pagkagahaman. Nadurog din ang pangarap ng mga mga-aaral na karapat-dapat sanang makapasok sa Quezon City Science ngunit nagkataon na walang pambayad sa mga “tutorial center”. Agrabyado na nga sa pera, agrabyado pa rin sa oportunidad. Uuwi na lang sila sa bahay. Walang pasok, umambon, basa ang chalk.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac