SI BERNARD (HINDI niya tunay na pangalan), 14 years old at junior student sa San Bartolome High School, ay unang dumulog sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) – isang segment sa daily noontime newscast na Balitaang Tapat sa TV5 – para isumbong ang ginawang pangongotong at pananakot sa kanya ng mga pulis sa Station 4 ng QCPD.
Si Bernard ang bunso sa dalawang anak ni Lalaine Garcia, isang vendor at single parent. Ang kinikita ni Lalaine ay halos hindi sapat para maitaguyod ang mga pangangailangan nilang mag-anak kaya napagpasyahan ni Bernard na dumiskarte para makatulong sa kanyang ina at hindi na maging pabigat pa rito. Kaya ang naipon niyang mga allowance na umabot sa kulang-kulang sa dalawang libo ay ipinuhunan niya para magtinda ng mga laruan at DVD.
Ang kinikita niyang mahigit isang daang piso kada araw ay itinatabi niya para pambili ng kanyang mga pangangailangan sa eskuwelahan at mga damit na rin. Dito rin niya kinukuha ang panggastos para sa kanyang baon at pamasahe papuntang school.
Kahit na maliit lamang ang kinikita, masaya na si Bernard dahil regular naman ang kanyang income dito. Okay na sana ang lahat, hanggang sa isang araw halos gumuho ang mundo ni Bernard.
Apat na armadong kalalakihan ang pumunta sa puwesto ni Bernard at hinihingian siya ng pera bilang protection money daw. Nagulantang si Bernard at hindi niya naintindihan ang pahiwatig ng nasabing mga kalalakihan.
Gayun pa man, sinabi ni Bernard na nagtitinda siya para panggastos sa kanyang pangangailangan sa school. Sinabi ng apat na lalaki na babalikan nila si Bernard at sa kanilang pagbalik dapat mayroon nang pambigay ito na P150 tong kada linggo.
Pagkaraan ng ilang araw, binalikan nga ng apat na lalaki si Bernard at basta na lang hinakot ang lahat ng kanyang paninda at sabay na inutusan siyang sumunod sa Station 4. Pagdating ng Station 4, sinabihan si Bernard ng apat na lalaki, na ang isa sa kanila ay nakilalang si PO3 Ferdie de Guzman, na kailangan niyang tubusin sa halagang P200 ang kanyang mga paninda.
Pinagsabihan din siya na bukod sa P200, kinailangan din daw niyang magbigay ng P150 na tong kada linggo, kundi ay muling kukumpiskahin ang kanyang mga pa-ninda. Matapos mai-ere sa IMKT ang kuwento ni Bernard, agad namang pinaimbestigahan ni Col. Marcelino Pedrozo Jr., hepe ng Station 4, ang sumbong.
Ngunit sa kagustuhan ng inyong SHOOTING RANGE na matutukan at mabigyan nang lubos na importansya ang kakaibang kaso ni Bernard, muling isinalang ang kanyang kuwento sa WANTED. Habang isinasalaysay ni Bernard ang kanyang sumbong sa WANTED, maluha-luha siya. Naluluha siya hindi dahil sa awa sa sarili kundi dahil sa takot at trauma na kanyang inabot mula sa kamay ng apat na kotongero’t walang patawad na mga pulis.
Ang ITMK ay napapanood Lunes-Biyernes, 11:30-12:00 nn sa newscast na Balitaang Tapat ng TV5. Samantalang ang WANTED ay napapanood tuwing Biyernes pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news) sa TV5 pa rin.
At ang WANTED SA RADYO naman ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo