WALANG PUMATOL SA banta ni Liberal Party (LP) standard-bearer Sen. Noynoy Aquino na mananawagan ng pag-aalsa sa mga lansangan tulad ng People Power kapag ninakaw ang kanyang panalo sa Mayo 10. Hindi sumuporta maging ang kanyang mga kapartido.
Naging matagumpay lamang ang panawagan ni Aquino upang maalarma ang mamamayan sa kalagayan ng kanyang isipan at ang uri ng kanyang liderato kapag natamo ang pinakamataas na puwesto sa ating bansa. Marami ang nagsabing may seryosong sablay sa kanyang pagkatao.
Walang aasahan ngayon na kapag hindi siya nadeklarang nagwagi sa halalan sa Mayo 10, hindi maginoong matatanggap ni Aquino ang pagkatalo. Gagawin niya ang lahat ng makakaya upang tutulan ang resulta ng halalan tulad ng pagpapakita ng pagiging barumbado.
Maging ang mga beterano ng pag-aalsa sa lansangan ay hindi nahimok ng panawagan ni Aquino sa People Power. Ang totoo, tinabangan pa sila. Para kay Sen. Joker Arroyo na namuno at sumama sa maraming protesta sa panahon ng Batas Militar, hindi sapat ang panawagan kundi dapat na mamuno sila sa unang hanay ng mga protesta sa lansangan. “Masyadong mababaw ang salita lang,” dagdag ni Arroyo.
Hanggang salita lang masusuma ang panawagan ni Aquino, marami nga ang nagtatanong kung nasaan siya sa mga pag-aalsang People Power. Hindi nakita ang kanyang mukha sa EDSA 1 o 2.
Hindi siya katulad ng mga beterano sa protesta tulad nina Arroyo, mamamahayag na si Chino Roces, dating senador Rene Saguisag, Lorenzo Tañada, ang kanyang tiyuhing si dating kongresista Butz Aquino at iba pa na laging nasa bungad ng parlamento sa mga lansangan laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Kinastigo rin maging ng Simbahan si Aquino sa kanyang pasaway na pahayag. Para kay Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales, ang pagbabanta para sa panibagong People Power kung sakaling magkakaroon ng malawakang pandaraya ay “kabaliwan at iresponsable” dahil ang sitwasyong lumikha ng People Power noong 1986 ay hindi katulad ng kaganapan ngayon.
Ang deklarasyon ni Aquino sa Bloomberg na tanging pandaraya lamang sa halalan ang makapipigil sa kanya na maging Pangulo ay pagpapakita ng pagkamakasarili. Nagmula rin ito sa katulad na taong buong yabang na nagsabing “Hindi ko kikilalanin ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema na itinalaga ni Arroyo.”
Maging ang iba pang karakter sa People Power tulad ni dating Pangulong Fidel Ramos ay naunang nagbanta na hindi ekslusibong pag-aari ang EDSA ng isang pamilya, isang partido o isang lahi. “Ang EDSA ay para sa lahat ng Pilipino,” ani Ramos sa komemorasyon sa taong ito ng People Power revolt sa EDSA.
Maging si dating Pangulong Joseph Estrada, isa ring aspirante sa panguluhan, ay nagbanta rin laban sa panawagan ni Aquino sa People Power. “Gusto kong sabihin sa aking mabuting kaibigan na si Sen. Noynoy Aquino na huwag siyang magsasalita nang tapos na nanalo na siya sa halalan,” ani Estrada.
Maging si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay may pahayag sa Poeple Power.
“It is a spirit that brought to the fore the greatness of the Filipino. The greatness that is continuously manifested today in the millions of our countrymen and women who make their own daily sacrifices so that our country can turn around,” sabi niya.
“Peaceful revolution is a hallmark of the Filipino struggle. It is also our guide now as we wage war on various fronts: against poverty, against hunger, against ignorance. People Power is the force that we will use to win this war,” dagdag niya.
Nagpaalala si Gng. Arroyo sa publiko na niyakap ng buong mundo ang EDSA 1 noong 1986 gayundin ang EDSA 2 noong 2001 pero hindi nito mapapatawad ang EDSA 3.
“Another such uprising would instead be condemned and the Philippines and its political system would just be tagged as hopelessly unstable,” sabi ng Pangulo.
Ngunit sa kanyang pahayag tungkol sa EDSA, waring ang tinutukoy ni Ramos ay ang anak ni dating Pangulong Cory Aquino na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III ng Liberal Party.
Mula nang ihayag ni Noynoy ang intensiyong lumaban sa panguluhan, siya at ang iba pang miyembro ng LP ay hinango ang mga simbolo ng EDSA revolt para sa kanilang kampanya, tulad ng dilaw bilang kulay pampolitika at maging ang imahe ng mga magulang ni Noynoy.
Dilaw ang kulay ng maka-Aquinong protesta at tagasimpatiya mula noong 1983 nang paslangin si Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. (Janna Enriquez)
Pinoy Parazzi News Service