UNAHIN NATIN, PAREKOY, ang lantarang operasyon ng iligal na sugal o Jueteng sa Quezon City.
Ang gambling lord na si Tony “Bolok” Santos ang itinuturong utak ng ngayon ay kalat sa Kyusi na o-perasyon ng Jueteng.
Ang masakit, parekoy, ipinangangalandakan mismo ng ilang mayayabang na tauhan ni TS na hindi kayang galawin ni QCPD Director C/Supt. George Regis lalo na ng ordinaryong kapulisan ang kanilang iligal na sugal dahil… una, kumpleto ito sa “weekly” sa lahat ng hepe ng kada police station sa Kyusi at iba pang unit ng PNP hanggang sa Bicutan.
Pangalawa, nakasingkaw umano ang kanilang bosing na si TS kay Bistek, sa pamamagitan daw ni Gen. Elmo San Diego na siya namang hepe ng DPOS.
Tsk, tsk, tsk. Ayaw ko sanang paniwalaan ang yabang ng mga mismong “tawiwit” ni Santos, kaya lang… bakit nga kaya hindi mapatigil-tigil ang kanyang iligal?
MAHALAGA ANG PAPEL na ginagampanan sa ating lipunan nitong ospital sa Quezon City na Philippine Heart Center.
Maliban kasi sa mga dalubhasa sa sakit sa puso ang mga doktor sa nasabing ospital, kumpleto rin sila sa mga makabagong kagamitan na kinakai-langan para sa maseselang operasyon.
Napag-alaman natin na mula nang itinatag noong Marso 19, 1975 ang nasabing ospital ay hindi ito siningil ng buwis ng Quezon City Government.
Napag-alaman din na ang dating namamahala sa nasabing pagamutan ay mayroong nilagdaan na MOA at ang pamunuan ng Quezon City kung saan ang Kyusi ay may alokasyon na halagang P10M para sa pagpapagamot ng mga maralitang taga-Kyusi.
Heto na ang siste, parekoy, nang umupo bilang Executive Director ng Heart Center itong si Dr. Manuel Chua Chiaco, Jr. ay hindi lang nito binalewala ang nasabing MOA.
Ayaw rin nitong makipag-usap sa pamunuan ng Quezon City para matalakay sana kung ano ang magandang gawin sa mga mahihirap na pasyenteng taga-Kyusi!
Ang resulta, nagkaroon ng iringan ang Quezon City Gov’t. at ang Philippine Heart Center.
Dahil dito, sinisingil ngayon ng Kyusi ng buwis ang nasabing ospital na umabot na sa halagang P53,456,978.86.
At kung hindi pa makapagbayad sa loob ng isang taon ang nasabing ospital ay ia-assume ng Kyusi ang pagmamay-ari nito.
Ang punto, parekoy, nag-ugat ang iringan dahil sa kawalan ng puso ng pamunuan ng Philippine Heart Center sa ilalim ni Dr. Chua Chiaco, Jr.
Dapat siguro ay suriing mabuti ni DOH Sec. Enrique Ona ang usaping ito, dahil maliwanag na “kontra-mahirap” itong ginagawa ni Dr. Chua Chiaco, Jr.!
Sabi nga ng ilang taga-Kyusi, taliwas ito sa “daang matuwid” na ipinangangalandakan ng Pangulong Aquino.
Tsk, tsk, tsk… kung tayo ang tatanungin, dapat siguro na ang ilagay ng Pangulo sa Philippine Heart Center ay ang may puso.
Kaya nga sibakin na ‘yang si Chua Chiaco, Jr.!
Mapakikinggan ang aking programang “ALARMA Kinse Trenta” sa DZME 1530 kHz, 6:00-7:00 am, Lunes-Biyernes. Mapapanood din ito via “live stream” sa www.dzme1530.com. Para sa anumang reklamo/reaction, e-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303