Dear Atty. Acosta,
AKOPO ay ikinasal noong March 1, 1988, ngunit nagkahiwalay rin kami matapos lamang ang ilan taon. Nabalitaan ko na lang po na muling nagpakasal ang aking asawa kaya kumuha ako ng record ng aming kasal sa Manila City Hall at NSO subalit ang nakalagay po roon ay NO RECORD OF MARRIAGE. Ang problema ko po ay matagal ko nang ginagamit ang apelyido niya, lahat po ng records ko ay iyon ang nakalagay. Ano po ang maaari kong gawin para maibalik ang apelyido ko noong dalaga pa ako?
Ms. Ann
Dear Ann,
ANG PAGGAMIT ng isang babae sa apelyido ng kanyang asawa ay pinapahintulutan ng batas. Subalit ito ay hindi sapilitang ipinag-uutos kung kaya mayroong kalayaang mamili ang babaeng may asawa na gamitin ang apelyido nito. (Article 370, New Civil Code of the Philippines)
Sa iyong sitwasyon, kung nais mong gamitin muli ang iyong pangalan noong ikaw ay dalaga pa, ito ay maaari mong gawin nang hindi na humihingi ng pahintulot sa korte. Malaya mo itong magagawa anumang oras mo ito naisin, subalit hindi mo dapat ito gawin para lamang makapangloko, mandaya o umiwas sa isang obligasyon. Dapat mo ring isaalang-alang ang idudulot nitong abala sa iyo para baguhin ang iyong pangalan sa mga opisyal na transaksyon, kung saan ginamit mo ang apelyido ng iyong asawa. Ito marahil ang dapat mong pagtuunan ng pansin kung ikaw ay babalik sa paggamit ng iyong apelyido noong ikaw ay dalaga pa.
Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaaring gawin ito, kung halimbawang ikaw ay nagtataglay ng isang pasaporte na iginawad ng Department of Foreign Affairs at nais mong palitan ang iyong apelyido at gamitin sa nasabing pasaporte ang iyong apelyido noong ikaw ay dalaga pa, hindi mo ito maaaring gawin kung wala kang maipapakitang dokumento na magpapatunay na ang iyong kasal sa iyong asawa ay ipi-nawalang-bisa o idineklarang walang bisa ng korte o ang iyong asawa ay namatay na. (GR No. 169202, Remo v. Secretary of Foreign Affairs, March 5, 2010)
Ganu’n pa man, hindi nangangahulugang hindi mo na maaaring gamitin ang iyong apelyido noong ikaw ay dalaga pa sa pagkuha ng pasaporte. Kung ikaw ay kukuha pa lamang ng bagong pasaporte, maaari mong gamitin ang nasabing apelyido. Subalit kung nagamit mo na ang apelyido ng iyong asawa sa pasaporte hindi mo na magagamit ang apelyido mo noong ikaw ay dalaga pa kung wala ang mga nabanggit na dokumento.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na alas-2 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta