ANG PAHAYAG ng administrasyong Aquino hinggil sa pagiging “unconstitutional” ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na diumano’y wala silang ginawang mali at walang dahilan upang sila ay humingi ng paumanhin o mag-apologize ay isang nakababahalang bagay. Nangangahulugan ba ito na hindi sila tumatalima sa desisyon ng Korte Suprema? Sinasabi ba o ipinakakahulugan ng administrasyong Aquino na mali ang Korte Suprema sa pagdeklarang “unconstitutional” ang DAP?
Tila lumalabas ngayon sa pagmamatigas ng Palasyo sa isyu ng DAP na binabale-wala lamang nito ang kapangyarihan ng hudikatura na magsabi kung ano ang naaayon sa batas. Hindi ba ito ay mapanganib at maaaring lumikha ng krisis sa ating Konstitusyon at baka mauwi rin ito sa isang hindi inaasahang rebolusyon?
Ito ang isyu na tatalakayin natin sa artikulong ito. Sisiyasatin natin ang teoretikal, pilosopikal at sosyolohikal na implikasyon ng pagbale-wala sa batas at hindi pagrespeto rito. Lilinangin din natin ang kalikasan ng batas, uri at gamit nito. Sa huli ay gagawa tayo ng pagtataya sa estado ng administrasyong Aquino sa ating lipunan.
ANG BAWAT nilalang sa mundong ibabaw ay ginagabayan ng batas. Ito ang natural order na tinatawag ni St. Thomas Aquinas na isang pilosopo noong medieval period. Ang mga bagay sa mundo gaya ng mga bundok, dagat, puno at mga hayop kasama na ang tao ay sumasailalim ng isang natural na batas kung saan walang anumang nilalang ang maaaring sumuway o tumakas dito.
Makapangyarihan ang batas ng kalikasan gaya ng pagtanda at pagkamatay. Ang lahat ng nilalang ay tumatanda at namamatay. May likas na pangangailangan ang daigdig ng pagkawasak at pagbabago, ngunit ang lahat ng ito ay naaayon pa rin sa batas ng kalikasan.
Ang tao ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng nilalang sapagkat may angkin itong talino na nagpapabago, nagpapaunlad at naglilinang sa kanyang kapaligiran. Ang kagalingang ito ng tao ay ipinatutupad niya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga alituntunin o batas na gumagabay sa kanyang pagkilos at pagpili.
Hindi gaya ng mga batas ng kalikasan, ang batas na nilikha ng tao ay nasusuway at nababale-wala dahil hindi ito likas at natural. Ang batas ng tao ay walang kasing lakas na kapangyarihan gaya ng mga batas ng kalikasan. Ngunit ang pagsuway o hindi pagsunod sa batas ng tao ay nangangahulugan ng pagtalikod sa isang makatuwirang prinsipyo at panuntunan ng kung ano ang itinuturing na tama, moral at kapaki-pakinabang.
Ang hindi pagsunod ng tao sa sariling batas na hinabi nito ay nagreresulta sa isang gulo at pagkasira ng mga layunin nito sa lipunan. Kaya naman may mga kaukulang parusa ang mga taong nagkakasala sa batas. Kung ang mga tagapagpatupad ng batas o ang mismong pamahalaan ang yumuyurak sa batas na nagbibigay rin ng kapangyarihan para ito ay tumayo at mamuno, ang susuway sa mga batas nito, ang resulta ay isang pagbagsak ng pamahalaan o pamunuan nito.
ANG PAGMAMATIGAS ng administrasyong Aquino sa paniniwalang wala silang ginawang mali ay nagpapakita lamang na wala silang respeto sa batas. Hindi nila nirerespeto ang ating Saligang Batas dahil sa kabila ng pagbasura ng Korte Suprema sa DAP at pagdedeklarang ito ay hindi naaayon sa Saligang Batas ay naninindigan pa rin ang administrasyong Aquino na tama ang kanilang ginawa ukol sa pagpapatupad ng DAP.
Ang ganitong reaksyon at pagmamatigas ng administrasyon ay lalo lamang nagpapatunay na hindi tuwid ang pamamalakad ng ating pamahalaan. Malayo rin ito sa kanilang ipinagmamalaking “tuwid na daan”. Ngayon ay literal na nating masasabing hindi tuwid ang daan ng ating gobyerno dahil tumaliwas ito sa ipinag-uutos ng batas.
Ang mas nakakabahala na aspeto ng pagmamatigas ng gobyerno ay ang hindi nito pagtalima sa desisyon ng Korte Suprema. Ito ay isang pagpapakita ng pagiging diktador ng isang pinuno. Ang pagsunod sa itinakdang batas ay ang pinakamahalagang gampanin ng isang pinuno.
Kung siya ay patuloy na magmamatigas at hindi magpapasakop sa batas at interpretasyon nito ayon sa sistemang tinatakda ng Konstitusyon at sangay ng gobyernong may kapangyarihan unawain at bigyang-kahulugan ang batas, isa itong uri ng diktadurya at kawalan ng respeto sa batas at Saligang Batas.
HINDI MAAARING magpatuloy ang ganitong kilos at paniniwala ng administrasyong Aquino sapagkat itinutulak nito ang damdaming pag-aaklas at pagsuway sa mga programa at mithiin ng pamahalaan. Sila ay tila nagtatanim ng pagdududa sa mga mamamayan sa sinseridad at intensyon ng pamahalaan. Sa huli ay mag-aaklas ang mga tao at lalaban sa pamahalaang pinaniniwalaan nilang hindi makatarungan, hindi makatuwiran at taliwas sa mga prinsipyo at pag-uutos ng Saligang Batas.
Ang administrasyon ni PNoy ay mawawalan ng mga tagasunod at bilang senyales nito ay ang pagbaba ng kanyang approval at popularity rating sa mga lehitimong surveys na ginagawa sa ating bansa. Hindi ito nakabubuti sa ating bayan sapagkat nagdudulot ito ng pagkakaiba-iba ng prinsipyong politikal na paniniwala at pagkawasak ng ating pagkakaisa.
Ang pamahalaan ay dapat marunong magpakumbaba at tumanggap ng pagkakamali. Hindi ito dapat maging mapagmalaki at para bang laging nasa tama. Hindi sila ang magsasabi na tama ang ginagawa nila kundi ang taong bayan. Lalong hindi rin sila ang magsasabi kung ligal ang kanilang ginagawa kundi ang Korte Suprema.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo