Dear Atty. Acosta,
TINANGGAL PO AKO sa trabaho bilang bus conductor. Nagamit ko po kasi iyong pera na kinita ng bus, pero binayaran ko po. May makukuha po kaya akong separation pay sa loob ng 12 years na ako ay nagtrabaho? Hindi ko pa po pinirmahan iyong termination letter. – Kayser
Dear Kayser,
DAPAT MONG MAINTINDIHAN na ang separation pay ay tinatanggap ng isang empleyado mula sa kanyang pinapasukan o employer sa pagkakataong ang empleyado ay tinanggal ng kanyang employer sa serbisyo dahil sa mga authorized causes na nakasaad sa Artikulo 283 at 284 ng Labor Code.
Ayon sa Artikulo 283 ng Labor Code, ang isang employer ay maaaring magtanggal ng empleyado kung maglalagay siya ng labor saving devices sa kanyang kumpanya, kung doble na ang tauhan na gumagawa ng iisang trabaho o redundancy, kung kailangang magbawas ng empleyado upang matigilan ang pagkalugi o pagsasara o pagtigil ng operasyon ng kumpanya. Kakambal ng nasabing pagtatanggal ng employer alinsunod sa mga nasabing legal na dahilan, ang pagbibigay ng separation pay sa mga empleyadong matatanggal sa trabaho. Gayundin ang isinasaad ng Artikulo 284 ng nasabing batas. Kinakailangang bigyan ng employer ng separation pay ang empleyadong kanyang tatanggalin sa kadahilanang ang nasabing empleyado ay natuklasang may sakit at ang patuloy na pagtatrabaho nito ay makasasama sa kanyang kalusugan at sa kanyang mga kasama-han sa trabaho.
Nais ko ring ipaalam sa iyo na ayon sa ating Labor Code, kapag ang isang empleyado ay natanggal sa trabaho ng may legal na dahilan o valid just cause, ang empleyado ay hindi makakatanggap ng separation pay mula sa kanyang employer.
Gayunpaman, ang ating Korte Suprema ay naglabas ng desisyon dahil sa pagkahabag sa mga manggagawa kung saan nakasaad na ang isang employer ay maaaring atasan na magbigay ng separation pay o financial assistance sa pagkakataong ang isang empleyado ay natanggal sa trabaho ng may legal na dahilan o just cause subalit ang dahilan ay hindi serious misconduct o hindi tungkol sa moralidad ng isang tao. Sinabi rin ng Korte Suprema sa nasabing desisyon na kung ang pagkakatanggal ng isang empleyado ay dahil sa madalas na pag-inom ng alak o dahil sa paggawa ng krimen tulad ng pagnanakaw o pagkakaroon ng bawal na relasyon sa kapwa empleyado, ang employer ay maaaring hindi atasang magbigay ng separation pay o financial assistance sa empleyadong natanggal. Subalit sa ibang banda, maaari pa rin namang magbigay ng separation pay o financial assistance ang employer kung ang dahilan ay hindi tungkol sa moralidad ng empleyado at ikokonsidera ang matagal nang pagtatrabaho ng empleyado sa kumpanya, ang kanyang edad at estado sa buhay.
Ayon sa iyo, ikaw ay tinanggal sa trabaho dahil ginamit mo ang pera na nakolekta mo bilang konduktor ng bus datapwat binayaran mo naman ang perang nagamit mo. Ngayon, ikaw ay nagtatanong kung may makukuha kang separation pay galing sa iyong employer sa loob ng pagtatrabaho ng labing dalawang (12) taon dito.
Gusto kong ipabatid sa iyo na ikaw ay natanggal sa trabaho sapagkat ikaw ay may ginawang kasalanan sa kumpanyang iyong pinapasukan. Ang paggamit mo ng pera ng kumpanya ay isang serious misconduct na maaaring naging dahilan o just cause sa pagtanggal sa iyo sa trabaho. Kaya naman maaaring wala ka nang makukuhang separation pay o financial assistance sa iyong employer.
Gayunpaman, wala namang masama kung ikaw ay makikipag-usap sa iyong employer na ikaw ay bigyan niya ng financial assistance upang makapagsimulang muli. Matagal-tagal din naman ang iyong naging serbisyo sa kumpanya. Maaaring ikaw ay kanyang kahabagan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta