Dear Atty. Acosta,
AKO PO AY empleyado sa isang private company. Ano ang dapat naming gawin, wala ka-ming SSS dito sa pinapasukan namin? – NELSON
Dear Nelson,
AYON SA R.A. No. 8282 o ang “SSS Law”, lahat ng empleyado na hindi tatanda sa animnapung (60) taong gulang at ang kanilang mga “employer” ay sapilitang nagiging miyembro ng SSS. (Section 9) Nagsisimula ang sapilitang pagiging miyembro ng mga empleyado sa unang araw ng kanilang pagtatrabaho at sa mga “employer” naman sa unang araw ng pagbubukas ng kanyang operasyon. (Section 10, R.A. No. 8282)
Malinaw sa nakasaad sa batas na kahit hindi nagbibigay ng kontribusyon ang “emplo-yer” at empleyado sa SSS, sila ay tinuturing pa ring miyembro nito. Upang pagtibayin ito, nakasaad din sa nabanggit na batas na ang “employer” ang mayroong obligasyon na ibawas ang kontribusyon sa SSS sa suweldo ng kanyang mga empleyado at ito ay iremita sa nasabing ahensiya. Kapag ang obligasyong ito ay hindi naisakatuparan o hindi ginawa ng “employer”, siya ang mananagot para rito alinsunod sa batas, gaya ng pagsasampa ng criminal case laban sa employer sa Office of the Public Prosecutor. Sa mga ganitong sitwasyon, ang “employer” ang magbabayad sa SSS ng hindi nirimetang mga kontribusyon.
At bukod sa kontribusyong hindi naremita sa SSS, papatawan din ng multa ang “employer” na nagkakahalaga ng tatlong pors-yento (3%) kada buwan hanggang sa ito ay mabayaran nang buo ng “employer”. Ang SSS din ang mangongolekta ng mga nasabing pagkukulang sa mga pamamaraang nakasaad sa batas. At upang lubos na maprotektahan ang kapakanan at interes ng mga manggagawa, nakasaad din sa batas na hindi maaapektuhan ng hindi pagreremita o pagtanggi sa pagremita ng “employer” ang mga benepisyo ng mga empleyado na makukuha mula sa SSS. (Section 22, R.A. No. 8282)
Samakatuwid, dapat ay hilingin nang mapayapa sa inyong employer na mag-remit ng SSS premiums ang inyong company at kung hindi pa rin makuha sa pakiusap ay maaari ninyong ipagbigay-alam sa SSS ang hindi pagreremita ng inyong “employer” ng inyong mga kontribusyon upang ito ay magawan nila ng agarang aksyon at papanagutin ang inyong “employer” na lumabag sa batas.
Atorni First
By Atorni Acosta