Dear Atty Acosta,
MAGANDANG ARAW po. Magtatanong po ako, kasi hiwalay na po ako sa asawa. May 3 po kaming anak, ages 22, 19 at 15. Ang panganay po nag-work na sa opisina. Ang 2 po parehong babae, 2nd year college na po ang pangalawa, at ang bunso, 3rd year high school. Ang asawa ko po, nakatira na ngayon sa Davao, may kinakasama na at may anak na sila. Dati po nagpapadala pa siya ng suporta, ngunit ngayon ay hindi na po. Nag-aaral po ngayon ang 2 kung anak. Kahit ano pong gawin naming pagte-text o pagtawag sa kanya siya ay hindi nakikipag-communicate sa amin. Minsan po ay sumagot siya na wala raw siyang trabaho. Naiintindihan namin ‘yun pero hindi naman po puwede siguro na palagi na lang ganu’n ang dahilan niya at nangako siya na pagsisikapan niya na magpadala. Hanggang ngayon po ay walang binibigay kahit man lang sa pang-allowance ng mga bata. Ang tanong ko po ay kung may karapatan pa po bang humingi kami ng suporta sa kanya?
Ms. Virgie
Dear Ms. Virgie,
ANG OBLIGASYONG magbigay ng suporta ng iyong asawa sa iyong mga anak at maging sa iyo na rin bilang legal na asawa ay maliwanag na ipinag-uutos ng batas. Ang suportang ito ay tumutukoy sa mga pangunahing pangangailangan ng isang tao para mabuhay, tulad ng pagkain, tirahan, damit, gamot, edukasyon, transportasyon at iba pang pangangailangan na hindi maaaring mawala para mabuhay (Articles 194 at 195, Family Code of the Philippines).
Ang pagbibigay ng suporta ay maaaring hingin sa oras na ito ay kailanganin na ng taong may karapatang humingi ng suporta. Subalit ito ay maaaring hindi ibigay hanggang walang abiso sa taong may obligasyong ibigay ito (Article 203, Family Code of the Philippines).
Kung magkaganun, kailangan mong magbigay ng abiso sa iyong asawa o ipaalam sa kanya na kailangan na ng iyong anak ang kanyang suporta. Ito ay iyong magagawa sa pamamagitan ng pagliham sa kanya. Kung ang nasabing liham o abiso ay hindi niya bibigyang pansin, maaari kang dumulog sa hukuman upang magsampa ng “Petition for Support” laban sa kanya.
Maliban sa pagsasampa ng kasong sibil, maaari ka ring magsampa ng kasong kriminal laban sa kanya sa paglabag sa R.A. 7610 o ang batas na naglalayong protektahan at isulong ang karapatan ng mga kabataan laban sa pang-aabuso, eksploytasyon at diskriminasyon. Sinasabi ng batas na ito na ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng isang tao na may obligasyong magbigay nito ay isang uri ng pang-aabuso sa isang bata o menor-de-edad at kapag ito ay napatunayan, makukulong ang taong hindi nagbigay ng suporta (Section 3 (3), RA 7610).
Bukod sa nabanggit na batas, mayroon pang batas na nagpaparusa sa mga lalaking hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang anak at asawa. Ito ay ang R.A. 9262 o ang “Anti-Violence against Women and Their Children Act of 2004”. Isinasaad dito na ang paghinto o hindi pagbibigay ng isang lalaki ng suporta sa kanyang mga anak at asawa o kinakasamang babae ay isang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan at kanilang mga anak, kung saan mahigpit itong ipinagbabawal ng nasabing batas.
Kaugnay nito, mas mabuting magpadala ka ng isa pang liham sa iyong asawa para sa huling pagkakataon ay makapagbigay siya ng suporta sa inyo. Kung hindi niya ito tutugunin, wala ka nang magagawa kung hindi ang magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanya. Maaari kang magpatulong sa isang abogado para rito.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta