Walang Sustento ang mga Anak

Dear Atty. Acosta,

MA’AM ACOSTA, da-ti po akong may ka-live-in. Nagsama po kami ng mahigit na 10 taon. May anak kaming apat. Lahat pong iyon ay pirmado niya at naka-apelyido sa kanya ang birth certificate. Wala po siyang binibigay na sustento kahit singko mula’t sapul dahil pareho ka-ming may trabaho at dahil may pamilya siyang iba. Sa ngayon po ay kolehiyo na ang mga anak namin at hirap na po ako sa gastusin. Nandito ako sa abroad pero maliit lang ang sahod ko. P’wede ba akong humingi ng sustento kahit 18 taong gulang na po ang edad ng mga bata? Ano po ang una kong gagawin at saan? Kailangan po ba ng abogado kung sakali? Maganda na po ang trabaho ng ama ng mga bata. Sa katunayan nga po ay nagpapatubuan pa siya. 

Umaasa po akong masagot po ninyo ang tanong ko. Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na po ako sa inyo.

Lubos na gumagalang,

Evalyn

 

Dear Evalyn,

ANG BUOD ng iyong liham ay ang  paghingi mo ng suportang pinansyal para sa apat mong anak mula sa kanilang ama na dati mong ka-live-in. Bago ang lahat, mahalagang malaman mo kung ano ang binubuo ng tinatawag na support.  Nakasaad sa Artikulo 194 ng Family Code na:

“Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.

The education of the person entitled to be supported referred to in the preceding paragraph shall include his schooling or training for some profession, trade or vocation, even beyond the age of majority. Transportation shall include expenses in going to and from school, or to and from place of work.”

Maliwanag sa nabanggit na batas na kahit nasa wastong gulang na ang mga anak ay maaari pa rin silang manghingi ng suportang pinansyal para sa kanilang pang-arawa-araw na pangangailangan at para sa kanilang pag-aaral.

Mahalaga ring malaman mo ang mga taong may obligasyong magbigay ng suporta sa isa’t isa. Ayon sa Artikulo 195 ng Family Code, gayundin ang mga magulang at ang mga anak nito, lehitimo man o hindi ay may obligasyong magbigay ng suporta sa isa’t isa. Ang nasabing obligasyon ay  hindi maaaring talikdan o ipasa sapagkat ito ay kailangan sa pagpapanatili ng buhay ng taong nangangailangan ng suporta.

Samakatuwid, batay sa mga nabanggit na batas, ang iyong apat na anak ay maaaring humingi ng suportang pinansyal mula sa kanilang ama para sa kanilang pang-araw-araw na pa-

ngangailangan at sa kanilang pag-aaral sapagkat ayon sa iyo ay nasa kolehiyo na ang mga bata. Mas madali nang manghingi ng suporta sa kani-lang ama sapagkat ayon din sa iyo ay pinirmahan ng kanilang ama ang kanilang birth certificate.

Kung alam mo ang address ng ama ng iyong mga anak, ang unang hakbang mong dapat gawin ay magpadala ng demand letter for support sa kanya. Makabubuting idaan mo muna sa magandang pakiusap na bigyan niya ng suporta ang mga bata. Mahalaga ring makapagpadala ka na agad ng demand letter sapagkat dito magsisimula ang obligasyon ng ama ng mga bata na magbigay ng suportang pinansyal sa inyong mga anak kahit pansamantalang hindi pa niya ito naibibigay.

Sa pagkakataong ayaw magbigay ng suportang pinansyal sa kabila nang pagpapadala mo rito ng demand letter, maaari nang magsampa ng kasong Action for Support. Dito ay aalamin ng hukuman ang mga pangangailangan ng inyong mga anak at kung magkano ang kinikita ng kanilang ama at ilang porsyento ng kanyang kita ang dapat niyang ibigay bilang suporta sa inyong mga anak.

Sa paggawa ng demand letter at sa pagsasampa ng Action for Support, kailangan ninyo ng abogado. Kung ikaw o ang iyong mga anak ay walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kayong sumadya  sa Regional o District Office ng aming Tanggapan, Public Attorney’s Office, na kalimitang matatagpuan sa Municipal or City Hall o sa Hall of Justice sa inyong lugar.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAlden Richards, walang originality?!
Next articleLoveteam, friends with benefits ang drama

No posts to display