AYON SA actress at philanthropist na si Angel Locsin, hindi siya basta na lang mananahimik sa nangyaring closure ng TV network.
“Para sa kapwa. Sa panahon na kailangan ng hanapbuhay ng mga tao. Let’s be considerate and ask ourselves kung makakatulong ba ang mga desisyon natin lalo na sa panahong ito,” post ni Angel kasama ng animated emoji na niyayakap ang ABS-CBN logo.
Pinasalamatan din niya ang network na naging tahanan niya ng maraming taon.
“To ABS-CBN, isang karangalan po na naging bahagi at nakasama ko po kayo. Mahal ko kayo.”
May mensahe din ang aktres sa mga taong sa halip na maawa ay ikinatuwa pa na maraming manggagawa ng ABS-CBN ang posibleng mawalan ng trabaho.
“Sa lahat ng nagmamagaling at nagsasabi na ‘buti nga nagsara ang ABS’, sana masarap ang tulog ninyo ngayon gabi at nakapagbayad na ng bills. Sana rin masarap rin ang mga napamalengke ninyo na ipapakain sa inyong pamilya. Sana walang magkasakit na kailangan ipagamot at gastusan,” lahad pa niya.
Kaisa rin si Angel ng maraming Kapamilya stars at mga empleyado sa kanilang laban ngayon sa tinatawag na “the temporary death of the station.”
Aniya, “Hindi ako uupo at mananahimik.”
Samantala, inamin ng fiance ni Angel na si Neil Arce na walang patid ang pag-iyak ng girlfriend niya nang malamang nagsara na ang ABS-CBN.
“Breaks my heart seeing her like this. Angel didn’t renew her contract. So technically she did not lose her job. She’s been crying non-stop since she saw the News online because she knows 11,000 people lost their jobs,” lahad ni Neil sa kanyang post.
Iginiit din ni Neil ang kahalagahan ng information dissemination and entertainment ngayong dumaraan sa matinding health crisis ang bansa.
“We’ve been under ECQ for two months now trying to save lives. Wala pang 10,000 ang may covid dito pero ngayon 11,000 na tao ang mawawalan ng trabaho at milyon-milyong na Pilipino ang hindi makakatanggap ng quick information and konting kaligayahan sa mga panahon na ito,” sambit pa niya.
“NTC, you are evil. How dare you take away 11,000 jobs? We will remember this,” huling post ng film producer.
Katuwag si Neil ni Angel sa pagtulong sa frontliners at health workers sa simula pa lang ng covid-19 pandemic.