Dear Atty. Acosta,
NAGKAROON NG DECISION dated August 1997 ang Court of Appeals laban sa akin for attempted homicide na naging final and executory, pero hindi naisyu ang warrant of arrest sa akin. May bisa pa ba ito? – Mr. X
Dear Mr. X,
ANG “WARRANT OF arrest” ay isang kautusan na galing sa hukuman na nagbibigay ng awtoridad sa isang opisyal na mailagay sa kanyang kustodiya ang isang tao para mapanagutan nito ang kanyang ginawang paglabag sa batas. Ayon sa Section 4, Rule 113 ng Rules of Court, ang punong opisyal ng tanggapan kung saan inatas ang pagpapatupad ng “warrant of arrest” ay kinakai-langang maisagawa ito sa loob ng sampung (10) araw mula sa pagkakatanggap nito. Sampung (10) araw pagkatapos ng panahong ito, ang nasabing opisyal ay inaatasan ding gumawa ng ulat sa hukom na nagbigay ng nasabing utos. Kung sakaling hindi niya naipatupad ang “warrant of arrest” kailangang isama sa ulat ng opisyal ang dahilan nito.
Gayunpaman, hindi nangangahulugan na wala nang bisa ang warrant of arrest kapag ito ay hindi naisapatupad sa loob ng nasabing sampung (10) araw. Ayon sa kaso na People vs. Givera, GR No. 133158, January 18, 2001, maliban na lamang kung nasasaad sa warrant na wala na itong bisa pagkalipas ng ilang panahon, ito ay mananatiling may bisa hanggang sa maibigay ito sa taong aa-restuhin, o kaya ay hanggang sa ikansela na ito ng hukom. May bisa pa rin ito kahit na hindi ito naipapatupad sa kadahilanang hindi matagpuan ang taong nakapangalan sa warrant lalo na sa kaso mo kung saan ikaw ay isang “convict by final judgment”. Mananatili lamang itong nasa record ng kaso mo para sa pagpapatupad nito sa ibang pagkakataon na ikaw ay arestuhin sa bisa ng nasabing warrant of arrest.
Maaari pa ring magmosyon ang prosecution o proper party sa husgado para mag-issue ito ng panibago o “alias warrant of arrest” laban sa iyo, kaya mas makabubuti na ikaw ay sumuko sa batas para malinis mo ang pa-ngalan mo kung wala kang kasala-nan. Mahirap ang nagtatago o sumusuway sa batas. Kahit anong oras ay puwede kang mahuli.
Atorni First
By Atorni Acosta