BRAVO! PALABAN SI Pangulong Noynoy. Dapat lang. Kundi lingkis siya sa leeg ng suliraning makamandag ng panguluhan.
Ano’ng kanyang panlaban? Wang-wang! Wang-wang sa korapsyon. Wang-wang sa kahirapan. Wang-wang sa katangahan.
Mahigit ‘sang oras na SONA, apat na beses siyang naghabol ng hininga. Dahil ba sa maya’t mayang pagbibigkas ng wang-wang? Mahigit 42 beses siyang pinalakpakan.
Iba’t ibang reaksiyon. Sa mga sipsip, oks siyempre. Mga nangangantiyaw, thumbs down siyempre. Ganda ng demokrasya, ‘no?
Totoo lang, ‘di ko napakinggan ang buong talum-pati. Nabaling ako sa mga nagkikislapang alahas at backless gowns ng mga seksing matrona, este, kongresista. Hanep! Nakakabighani. Nakakatukso. Puno ng palitada ang mga mukha. Terno, hayop sa gaganda. Tipak marahil si Belo, Cabral at Dayrit. Hey BIR, take note!
Ay buhay, parang life. Tuwing ika-25 ng Hulyo, aliw tayo ng SONA spectacle.
Sa bahay, kinulit ako ng salbaheng apo. Lolo, nakakain ba ang wang-wang?
Sumakit ang puson ko.
MORNING AFTER. BALIK-LUPA. Metro aides, balik-linis kalye. Manang Aling, balik-tinda. Mang Pidyong, balik-pasada.
Balik-lahat. Marahil si P-Noy, tulog o nagkakape na. Marahil, alahas ng kongresista, naitago na. Marahil, Payatas squatters, tulak-kariton na. Tuloy ang ikut-ikot ng buhay. Tuloy ang kalbaryo. Pagtaas ng langis, pagkain at gamot. Pagkatakot sa krimen. Pagtaas ng matrikula. Atbp.
Hanggang sa susunod na SONA. Wang, wang, wang!
AY, CHEAP GIMMIKS ng mga artista. ‘Pag may ginagawang pelikula, tinatapal sa media, pag-aaway kuno. Para humila ng atensiyon at tumabo sa takilya.
Tulad ng nakakaantok na away nina Heart Evangelista at Marian Rivera. Ang babaw. Tsipipay sa utak ng spinmasters nila. In other words, gimik na away, kumita na. Sinong bibilugin n’yo ang ulo, mga tsong?
NAPANOOD NATIN ANG selebrasyon ng ika-82 kaarawan ni Dolphy. Nakakaantig-puso. Nabanaag sa kanyang mukha ang isang pagkapagod. Para bang pagod ng taong pagod na pagod na sa paglalakbay.
Si Dolphy ay haligi ng pelikula at sining. ‘Di matatawaran ang kontribusyon at papel niyang ginampanan sa larangan. Panalangin namin, pahabain pa ng Maykapal ang kanyang buhay.
SI DATING PANGULONG Erap ay matatawag na “unsinkable man”. Sa edad na 74, very healthy, masayahin at bull-strong. Ano kaya ang kanyang sikreto? He has lived a very colorful and successful life. Maaaring may misyon pa siya na ikinababalisa ni Mayor Lim.
Sa nauulinigang huling hurrah niya sa pulitika, we wish him Godspeed. Erap, Erap, Erap!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez