SI WILBUR Barillo, isang retiradong sarhento sa Philippine Army ay natagpuang patay na lumulutang-lutang sa ilog, limang kilometro mula sa farm na pag-aari niya kamakailan. Kasama rin sa natagpuang patay ay ang farm caretaker ni Barillo na si Danny Nanep.
Ayon sa ulat, ang farm ni Barillo sa Bongabon, Nueva Ecija ang siyang minsang pinagtaguan umano ng wanted na si Major General Jovito Palparan. Noong Enero ng taong kasalukuyan, ni-raid ng tropa ng NBI ang farm ni Barillo matapos na may makapag-tip sa kanila na nagtatago roon si Palparan. Hindi inabutan ng NBI si Palparan sa nasabing raid.
Ang bangkay ni Barillo at ni Nanep ay parehong natagpuang nakagapos ang mga kamay at paa at tadtad ng mga bala ang katawan. Ayon pa sa Chief of Police ng Bongabon, natagpuan ang mga bangkay ni Barillo at ni Nanep matapos pagnakawan ang kanilang farm ng mga ‘di pa nakikilalang magnanakaw. Tinangay raw ng mga kawatan ang mga gulong at baterya ng van ni Barillo, ayon pa sa imbestigasyon.
ANG IMBESTIGADOR na maniniwalang pagnanakaw ng baterya at mga gulong ang motibo sa pagpaslang kay Barillo ay matatawag na mangmang at bagito. Ang isang katanungan lang, kung iyon talaga ay isang simpleng pagnanakaw, bakit tinadtad ng bala ang mga nakagapos na biktima at ibiniyahe pa sa malayong lugar ang kanilang bangkay?
Ang paggapos sa mga biktima ay kasama sa modus operandi ng akyat-bahay gang o anumang grupo ng kawatan na nanloloob ng mga kabahayan para magnakaw. Kasama rin sa modus operandi ng mga kawatang ito ang pinapatay ang kanilang mga biktima kung kinakailangan.
Pero hindi gawain ng mga kawatang ito na dalhin sa malayong lugar ang kanilang biktima para patayin lamang doon.
Ang nangyari kay Barillo at Nanep ay salvage. Ang nag-salvage sa dalawang biktima ay may ipinaparating na mensahe. Nang i-raid ng NBI ang farm ni Barillo, sa mga panahong iyon, umaabot na sa isang milyong piso ang reward money para sa ikadarakip ni Palparan.
Sa ganoong kalaking halaga, may mga taong matutukso at ibebenta maging ang kanilang kadugo. Maalaala ko noong dati kong TV show na Philippine’s Most Wanted, marami kaming nahuli na mga wanted na may mga patong sa ulo dahil mismong mga kamak-anak nila ang nagbenta sa kanila.
SI PALPARAN ay nahaharap sa kasong pag-kidnap noong 2006 ng dalawang estudyante ng University of the Philippines. Ang dalawa hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan.
Noong aktibo pa sa serbisyo si Palparan noong kapanahunan ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, maraming mga pinaghihinalaang miyembro ng leftist group ang mga dinukot umano ng grupo ni Palparan at dinala sa kampo ng militar para i-torture at patayin.
Ang mga babaeng bihag nila ay gina-gang rape ng mga tauhan ni Palparan. Sa ilang pagkakataon, ‘di pa nakukuntento sa pangre-rape, pinapasakan pa ng kahoy ang ari at pinapaso ng sigarilyo ang iba pang maseselang parte ng katawan ng kanilang biktima. Ito ay ayon na rin sa testimonya ng mga survivor at naging saksi sa kalupitan ni Palparan at ng kanyang grupo.
Ayon pa sa mga saksi, kinakausap sila ni Palparan bago i-torture.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00pm. Ito ay kasabay na napapanood sa AksyonTV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo