MAHIGIT PA sa isang taon ang susunod na National Election sa Pilipinas pero ngayon palang mainit na mainit na usapin na ang mga kakandidato sa pagiging pangulo. Pinakamatunog ang pangalan ni Vice President Jejomar Binay, na kasalukuyan namang iniimbestigahan hinggil sa overpricing ng pagpapatayo ng parking building sa Makati kasama ang kanyang anak na si JunJun Binay na siya na ngayong mayor sa lungsod. Isinusulong ang imbestigasyon sa senado ni Senator Peter Cayetano na nagpahayag rin ng kanyang pagkandidato sa pagkapangulo. Nito nga lang Agosto, National Heroes day, nagsagawa na naman ng kilos protesta ang mga grupo na kontra sa Pork Barrel. This time, hindi lang kontra korupsyon ang ipinaglalaban ng grupo kundi laban sa charter change o pag-amenyenda sa konstitusyon kung saan pwedeng maextend ang termino ang kasalukuyang pangulo. Ibig sabihin, maari paring tumakbo si Pnoy sa 2016. Ang sagot ng pangulo ukol dito, nakadepende sa mga “boss” o taong bayan ang kanyang pagtakbo. Nanggagala-iti ang oposisyon at ang mga kontra kay Pnoy dahil sa pahayag na ito. Inihahantulad na siya kay dating pangulong Marcos, isa daw siyang kurakot, fascist at ang ilan ay personal ng atake sa pangulo. Kinutya nila ang pagiging matandang binata nito, na hindi naman dapat. Kailanman hindi dapat maging isyu ang stado sa buhay o kahit ang sexual preference sa pamumuno ng bansa. Sa totoo lang, mas gugustuhin ko pang ipagpatuloy ni Pnoy ang kanyang pagkapangulo upang matapos ang mga nasimulan ng proyekto ng kanyang administrasyon. Kumpara sa mga kasalukuyang nagpahayag ng kanilang interes, ay siya na ang pinaka competent sa posisyon.
Noong huling SONA ng pangulo nitong Hulyo, ilang Party-list representatives ang nagwalk out sa kalagitnaan ng SONA, ang ilan sa kanila ay sumama sa mga demonstrador sa labas ng House of Representatives.
Hindi naman ako maka-Pnoy, hindi nga ako nakaboto noong huling eleksyon pero para sa akin, si Pangulong Noynoy na ang pinakamagaling na president kumpara kay Ramos, mismong sa kanyang ina na si Cory, Erap at higit sa lahat kay Arroyo. Sa tagal-tagal ng problema sa korupsyon ng ilang mga opisyal sa gobyerno, sa termino nya may pinakamarami at pormal na sinampahan ng kaso. Hindi siya nangimi na mapatalsik sa pwesto si dating Chief Justice Renato Corona. Kasalukuyang nakakulong sina Sen. Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Bong Revilla dahil sa kasong Graft and Plunder. Sana naman ay tuluyan ng maparusahan ang mga taong ito, hindi ko alam paano nila na kayang magpakasasa sa pera ng taong bayan habang patuloy na naghihikahos ang marami nating kababayan. Bukod sa pagtutok ni Pnoy sa korupsyon sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno, tumaas naman ang Gross Domestic Products o GDP ng bansa. Bumaba rin ang poverty rate mula 27.9% noong 2012 sa 24.9% noong 2013, equivalent ito sa 2.5 million na Pilipino na naiangat sa kahirapan. Marami rin ang nabigyan ng trabaho dahil sa programa ng TESDA o Technical Education and Skills Development Authority’s Training-for-Work Scholarship Program. Itinaas narin ng European Union ang ban nito sa Philippine Airlines kung saan pumapayag na ito na makalipad ng direcho mula Pilipinas papuntang London maging ang safety concerns ng International Civil Associations ay tinanggal narin. Unti-unti naring mas napagbubuti ang readiness and awareness on Disasters ng bansa matapos masalanta ng bagyong Yolanda. Nasa kalagitnaan na ang mga road widening at construction kaya kung mapapansin mas naging buhol-buhol ang traffic pero kung titingnan mo ang long-term effect nito, paniguradong makikinabang ang mga motorist at laking kaginhawaan ito, kaya lang mainipin ang ating ilang kababayan at puro reklamo ang iyong maririnig. Iilan lamang ito sa mga nagawa ng pangulo at nailatag naman ang iba pa niyang proyekto pero kung sa simula pa lang kinokontra na, magiging mabagal ang pag-usad nito.
Parang hindi na natapos ang protesta ng pare-parehong grupo. Estudyante palang ako sa UP, ikatlong presidente na si Noynoy simula noong makatapos ako sa kolehiyo at guess what iisang mukha lang ang nakikita kong lider ng mga demonstrasyon. Sino ba ang gusto niyang maging presidente? Kapag kaalyado nya ba ang naging pangulo e titigil na siya? O baka naman, siya ang may interes sa posisyon? Nagsisimula pa nga lang si Pnoy, rally na agad. Sumasang-ayon ako kay Vice-Ganda sa sinabi niya na hindi lahat ng nagrally sa SONA ay tunay na may pinaglalaban, ang ilan sa kanila ay nabayaran lang ng isang kilong bigas. Hindi naman sa panghuhusga sa itsura, pero karamihan ng mga nagprotesta tila parang nayaya lang sa kanto, ang ilan sa kanila mga batang may edad na hindi bababa sa onse. Baka pag sinubukan mong tanungin kung ano ang rason bakit nila tinututulan ang pamahalaan, ay magkibit balikat na lamang sila dahil hindi alam ang isasagot. Walang pinagkaiba sa mga nabibili ang boto kapag eleksyon.
Sana kesa mag-aksakya ng oras sa pagpapatalsik kay Pangulong Noynoy, suportahan na lang ang mga proyektong nasimulan na ng pamahalaan kagaya ng nabanggit ko sa unang bahagi ng artikulong ito. Ang ilan namang pulitiko na may sarili namang interes, sana pagtuunan na lang nila ang sarili nilang trabaho kesa manamantala at makisali for the sake lang na makisawsaw. Kahit sinong pangulo ang iupo mo kung puro naman pambabatikos, hindi pa man lang naipapatupad ay tiyak na walang pagbabago na magaganap sa ating bansa.
By Joy Mesina