IKA LABING-ISANG araw na ng bakbakan sa Zamboanga ng militar at ng mga rebeldeng MNLF na grupo ni Misuari. Marami ang namatay at mga sugatan sa panig ng mga nasabing breakaway group. May tatlo namang namatay sa mga sundalo at dalawang pulis sa panig ng pamahalan.
Maalaala na bago nagsimula ang giyerang ito, marami sa mga nahuling miyembro nito na sila diumano ay inimbitahan upang sumama sa sinasabing caravan. Subalit taliwas umano sa pahayag ng nasabing lider na si Ustad Malik, doon pala sa Sta. Catalina ay itatayo ang kanilang sariling watawat.
Napabalita ring kamakailan lang na dinukot ang isang hepe ng pulisya na si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ngunit pinawalan din ito. Sa paglilinaw ng nasabing hepe ng pulisya, hindi siya dinukot kundi siya ay kusang nagtungo sa bayan ng Mampang na pinagkukutahan ng ilang miyembero ng nasabing mga rebelde upang kausapin ang mga ito sa pagsuko at mamagitan para sa paglaya ng higit sandaang mga hostage na mga sibilyan.
Sa wakas nakahinga na ng maluwag ang mga kaanak ng nakalayang hostage victims. Ngunit sa kabila nito ay umabot na sa bilang na mahigit 110,000 na mamamayan ang nasa evacuation centers sa Zamboanga ayon sa DSWD. Ganoon pa man, nagpahayag si Sec. Dinky Soliman na may sapat na supply ng pagkain.
DAPAT PAG-ARALANG MABUTI ANG MGA PROBLEMA
KUNG AANALISAHIN natin, maraming problema ng ating bansa dapat na pagtuunan ng pansin. Hindi lamang sa iisang pangyayari kundi sa bawat bahagi ng problema. Ang mga paglustay diumano ng kaban ng bayan na may mga sangkot na mga senador at congressman ay nangangailangang patunayan sa korte upang hindi akalain naman ng iba na bahagi lamang ito ng istrahiya ng pulitika sa ating bansa. Samantalang ang mga senador na sinasabing involved tulad nina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla ay tahasang itinanggi ang kanilang partisipasyon at nakahandang patunayan na wala silang kinalaman sa mga alegasyon laban sa kanila.
Ayon naman sa iba, ano pa man daw pagbabago ng mga pangako ng mga nakararaan pang admistrasyon, patuloy pa rin ang problemang usapin sa korupsyon at kahirapan.
Ngunit sa isang parte, ang ating nakaupong pangulo na si PNoy sa aking paningin ay masigasig sa kanyang tungkuling papanagutin ang tila lihis sa panukala niyang matuwid na daan.
Bagay na isang pamagat ng kuwento na dapat malaman pa ang gitna at hangganan ng kuwento nito. Kung susumahin ito, isang daan din upang ang mga talagang may mga tunay na problema sa nasabing nakawan sa gobyerno ay managot sa batas upang hindi na ito sundan ng sinumang uupo maging sa pinakamataas hanggang pinkamababang posisyon sa gobyerno.
Tandaan natin, dapat hindi lamang ang kalaban sa pulitika ang mga dapat maimbestigahan kundi maging ang mga nakaupo sa gobyerno na nagkaroon pakipagsabwatan sa pakikialam sa kaban ng bayan. Nito lamang habang sinusulat ko ito, may mga nagsasabing papaano ang mga iskolar ng bayan at mga umaasa sa PDAF na dapat sana pam-budget sa kalusugan at edukasyon?
Iisa lamang ang maaari nating gawing pakiusap sa pangulo na sana tanggalin muna nang pansamantala ang TRO sa mga benespisyong ito. Kawawa naman ang mga iskolar ng bayan kung titigil sa pag-aaral at tiyak marami itong umaasang kabataan na salat sa yaman. Sana ibukod muna ang pondo para rito.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia. For comments and suggestions, e-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia