War Zone Sa Zamboanga

TAPOS NA ang gyera sa Zamboanga, tapos na ang mga umaalingawngaw na putukan ng militar at mga rebeldeng grupo ng MNLF. Bagama’t maraming mga tahanan at aria-arian ang nasira at nawala dahil sa sigalot na ito, ang importante ay na-turn over na ng militar ang syudad sa kanilang alkalde na idineklarang malaya na sila sa masasamang loob at ‘di na mauulit pa ang ganitong pangyayari sa kanilang lugar.

Sa ngayon ay clearing operations na lang ang gingawa ng militar habang unti unting nagbabalikan sa kanilang mga normal na buhay ang mga residente o mamamayang naapektuhan ng kaguluhang ito. Nawa ay tulungan nga ng ating pamahalaan na bumangon ang ekonomiya ng Zamboanga.

Maalaala na bago nagsimula ang gyerang ito, marami sa mga nahuling miyembro nito na sila diumano ay inimbitahan upang sumama sa sinasabing caravan. Subali’t taliwas umano sa pahayag ng nasabing lider na si Ustad Malik, doon pala sa Sta. Catalina ay itatayo ang kanilang sariling watawat.

Napabalita rin kamakailan lang na dinukot ang isang hepe ng pulisya na si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ngunit  pinawalan din ito. Sa paglilinaw ng nasabing hepe ng pulisya ay hindi siya dinukot kundi siya ay kusang nagtungo sa bayan ng Mampang na pinagkukutahan ng ilang miyembero ng nasabing mga rebelde upang kausapin  ang mga ito sa pagsuko at mamagitan para sa paglaya ng higit sandaang mga hostage na mga sibilyan.

Sa wakas nakahinga na ng maluwag ang mga kaanak ng nakalayang hostage victims. Ngunit sa kabila nito ay umabot na sa bilang na mahigit 110,000 na mamamayan ang nasa evacuation centers sa Zamboanga ayon sa DSWD. Ganoon pa man, nagpahayag si Sec. Dinky Soliman na may sapat na supply ng pagkain.

DAPAT PAG-ARALAN NG MABUTI ANG MGA PROBLEMA

 

KUNG AANALISAHIN natin, maraming problema ng ating bansa dapat na pagtuunan ng pansin. Hindi lamang sa iisang pangyayari kundi sa bawat bahagi ng problema. Ang mga paglustay diumano ng kaban ng bayan na may mga sangkot na mga senador at congressman ay nangangailangang patunayan sa korte upang hindi akalain naman ng iba na bahagi lamang ito ng estrahiya ng pulitika sa ating bansa. Samanatalang ang mga senador na sinasabing involved tulad nina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jingoy Estrada at Sen. Bong Revilla ay tahasang itinanggi ang kanilang partisipasyon at nakahandang patunayan na wala silang kinalaman sa mga alegasyon laban sa kanila.

Ayon naman sa iba, ano naman daw ang pagbabago ng mga pangako ng mga nakararaan pang admistrasyon patuloy pa rin ang problemang usapin sa korupsyon at kahirapan.

Ngunit sa isang parte, ang ating nakaupong pangulo na si Pnoy sa aking paningin ay masigasig sa kanyang tungkuling panagutin ang tila lihis sa panukala niyang matuwid na daan.

Bagay na isang pamagat ng kuwento na dapat malaman pa ang gitna at hanggang sa dulo ng kuwento nito. Kung susumahin ito, isang daan din upang ang mga talagang may mga tunay na problema sa nasabing nakawan sa gobyerno ay managot sa batas upang hindi na ito sundan ng sinumang uupo, maging ito man ang nasa pinakamataas na posisyon hanggang sa pinakamababang posisyon sa gobyerno.

Tandaan natin dapat hindi lamang ang kalaban sa pulitika ang mga dapat maimbestigahan, kundi maging ang mga nakaupo sa gobyerno na nagkaroon ng pakikipagsabwatan sa pakikialam sa kaban ng bayan. Nito lamang habang sinusulat ko ito ay may mga nagsasabing papaano ang mga iskolar ng bayan at mga umaasa sa PDAF na dapat sa pang- budget sa kalusugan at edukasyon.

Iisa lamang ang maaari nating gawing pakiusap sa pangulo, na sana tanggalin muna nang pansamantala ang TRO sa mga benespisyong ito. Kawawa naman ang mga iskolar ng bayan kung titigil sa pag-aaral at tiyak marami ritong umaasang kabataan na salat sa yaman. Sana ibukod muna ang pondo para rito.

Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.

For comments and suggestions, e-mail: [email protected]

Larawan sa Canvas

By Maestro Orobia

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 124 October 4 – 6, 2013
Next articleAnsabeee??? 10/05/13

No posts to display