DATI SA EDSA lang ang ‘di maka-move on sa traffic, ngayon kahit saan ka na magtungo, traffic na rin. Kahit ‘yung mga kasuluk-sulukan na mga lugar na ‘di mo aakalain na nararating pala ng sasakyan ay traffic na rin! Nakadaragdag pa sa traffic ang dami ng tao sa kalsada sa tuwing nasisira ang MRT.
Nitong nakaraan pa naman, madalas mahinto ang biyahe ng MRT dahil sa mga sira nito. Kung minsan naman, sabihin na nating ‘di sira ang MRT, pero iilan lamang ang bumabiyahe. Mula sa orihinal na higit 20 na tren, ngayon marami na ang sampung tren na bumabiyahe sa araw-araw.
Kasama rin sa listahan ng nagpalalala ng traffic sa bansa ay ang mga pasaway na private at public vehicles na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng mga aksidente at abala sa daan. Hindi rin mawawala sa mga kadahilanan ng paglala ng traffic ay ang panahon natin.
Ngayon, Hulyo na, tag-ulan na naman. Madalas na rin ang pagbaha sa maraming lugar na siya ring nagpabibigat ng trapiko. At siyempre ang hindi talaga mawawala sa listahan ay ang mga unfinished road constructions.
Parang gusto ko na talagang maniwala na kaya sila nagpapagawa ng kalsada ay dahil malapit na ang eleksyon. Kinakailangan nila ng pandagdag pondo sa pagkampanya kaya kinakailangan nilang manira ng kalsada upang ipagawa ito. Talaga nga naman. Buti pa ang traffic, nagtatagal. Buti pa ang traffic, may forever.
Kaya bilang ang mga bagets ay malikhain at madiskarte sa buhay, sila ay nagkakaroon na ng habit kung saan ito na ang kanilang ginagawang routine sa tuwing maiipit sa ‘di gumagalaw na traffic sa Maynila. Anu-ano nga ba ito?
Uunahin ko na ang pinakasikat sa lahat, ito ay ang pagtulog sa biyahe. Hindi na bago ito sa atin. Imbes na ma-stress sa buhul-buhol na mga sasakyan sa kalsada, itutulog na lang ito ng mga bagets. Nakapahinga ka na, pagkagising mo, naroon ka na sa paroroonan mo. Siguraduhin mo lang na huwag masyadong mapahimbing ang tulog at baka lumagpas ka nang ‘di inaasahan.
Pangalawa sa listahan ay ang pagiging abala ng mga bagets sa kanilang mga social media sites gaya ng Facebook, Twitter, at Instagram. Papasok diyan ‘yung mga traffic selfies para naman imbes na pumangit sa kasisimangot dahil sa traffic, smile na lang nang pang-GGSS para iwas stress. Siyempre idadamay na rin ang pag-stalk sa mga crush at boyfriend at girlfriend ng kanilang mga crush sabay sabi ng “Walang forever! Traffic lang ang may forever!”
Pangatlo, ang pinakabagong trip ng mga bagets ay ang paggawa ng Dubsmash. Kung mapapansin n’yo, ang karamihan sa mga Dubsmash viral videos ngayon ay ang mga taong ginagawa ito sa loob ng sasakyan. Paniguradong kasagsagan ito ng traffic kaya nagawang mag-shoot at upload pa!
At siyempre, pasok din sa banga ang paglalaro ng Clash of Clans sa biyahe. Siyempre sayang ang oras sa traffic kaya gawing makabuluhan ang oras sa pamamagitan ng pagtutok sa Clash of Clans para ‘di ma-atake ng kalaban.
Nakikita ko ang routine na ito bilang pagiging positibo ng mga bagets sa kabila ng suliranin na ating kinahaharap. Para kasi sa atin, imbes na magtatatalak tayo at sumpain ang traffic at gobyerno, nililibang na lang ang ating sarili sa ating kanya-kanyang paraan. Dahil para sa atin, ang pagtatalak at pagsusumpa ay wala namang maidudulot na maganda. Hindi naman mawawala ang traffic kapag ginawa ito.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo