UPANG MAKAMIT ang isang pagbabago, kailangan ng matinding lakas ng loob, lalo na kung ang hangad mo ay maghatid ng “rebolusyon” sa industriya ng Pelikulang Pilipino.
Ito ang isang bagay na ganap na taglay ng mga tao sa likod ng WeLovePost (WLP), ang produksyon sa likod ng suspense-thriller na Nilalang, entry sa MMFF 2015.
Mula sa kakaibang atake ng storytelling, production values, at promosyon, ang WLP ay may maliwanag na vision – isang worldwide audience.
Ayon kay Pedring Lopez, direktor ng Nilalang, “Gusto naming gumawa ng statement tungkol sa paggawa ng pelikula; to set a standard para sa Pelikulang Pilipino – sa pamamagitan ng storytelling, production values, at lahat ng iba pang elemento. Tayong mga Pilipino ay kabilang sa most creative people sa buong mundo. Panahon na para ang trabaho natin ay magpatunay nito.”
Ang nasabing bagong produksiyon ay nasa tamang direksiyon – inaasahan ang distribution ng pelikula sa Japan, kung saan may sinasabing “cult following” ang bidang babae ng pelikula na si Maria Ozawa.
Ang actor-turned-producer na si Troy Montero (partner ng WLP) ay nagsabing, “This is one of the ways that ‘ready-for-the-world’ vision is carried out thru Nilalang. Hindi namin nilimitahan ang sarili namin kung ano o sino ang available sa casting. Nag-isip kami nang out of the box, o ‘yung hindi ordinaryong plano, at nakuha namin ang serbisyo nina Maria Ozawa at ang award-winning actor na si Cesar Montano.”
Naniniwala ang WLP Business Unit Head na si Roy Lopez na ang kanilang misyon ay “matayog”, ngunit maaari itong makamit, basta’t masunod ang kanilang mga plano.
“Ang industirya ay nabubuhay sa makabagong panahon. Ang Pilipino ay interesado sa mga bagay na kakaiba sa mga alam na nila o mga nakagawian na. Ganyan rin ang pelikula. Uhaw ang audience ng pelikulang Pinoy sa ‘uniqueness’ sa kanilang mapanonood,” wika niya.
Ang Nilalang ay produced ng WLP, in cooperation with Viva Films, Parallax Studios, at Haunted Tower Pictures. Ipapalabas ito sa December 25 in theaters nationwide.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro