WENDY VALDEZ IS looking forward to the resumption ng programang pagsasamahan nila ni Valerie Concepcion, ang “Fath is Thin” kung saan magkapatid ang papel nila.
Kahit na medyo sumablay ang ikot ng buhay niya nang sumambulat ang pagpapakasal nila ng kapwa PBB housemate niyang si Bruce Quebral, Wendy is trying to pick up the pieces nang magsimula siyang kumuha ng bagong manager in the person of Becky Aguila noong Pebrero, nang matapos na ang kanyang kontrata sa Star Magic.
Sumalang na siya sa guesting in two episodes ng Midnight DJ sa TV5 at pumirma rin siya ng kontrata sa Viva Films for two years kung saan guaranteed siya ng apat na pelikula at tatlong albums.
Tinanong ko si Wendy kung meron pa silang communication ni Bruce, since inaasikaso na pala nila ang annulment ng biglaan nilang pagpapakasal.
“Ayaw niya akong i-add sa Facebook. Pero nakakapag-usap naman kami. Kaya nga what I’m doing now eh, ‘yung makaipon para sa gagastusin sa annulment namin, dahil maghahati kami sa gastos nito.
Kaya, wala rin daw katotohanan na nagseselos pa siya sa mga balitang meron nang ibang girlfriend ngayon si Bruce.
“Magiging masaya pa ako for him kung makakakita na siya ng babaeng para talaga sa kanya.
As far as plano ni Tita Becky for her is concerned, mukhang paiigtingin pa ang pagiging isang singer ni Wendy (na merong banda noon, ang Oona) at malamang na isang girl band ang buuin na kasama siya.
Para kay Wendy, this is a new beginning. Kung meron daw siyang gustong patunayan, ‘yun eh, ang ma-prove na hindi siya naging sinungaling sa mga ginawa niya sa buhay niya hanggang sa kasalukuyan.
SA GANANG AKIN, kahit na mabibilang mo sa daliri ang mga taong nanood sa idinaos na All Star Celebrity Basketball Exhibition Game ng Star Power Foundation sa Fil-Oil Flying V Arena noong Linggo ng gabi, tatawagin kong heroes ang lahat ng artistang nag-participate sa nasabing proyekto. Para kasi sa operasyon ng isang 3-year old boy na si Julian Kevin Panaguiton, na may stage 3 Non-Hodgkins Lymphoma ang pagsasagawa ng nasabing fund-raising.
Nasundan ko ang pagbuo sa nasabing proyekto sa pangunguna nina Chinggay Riego at Peter Serrano, sampu ng ilan sa mga staff ng GMA-7, dahil ang ina ni Kevin na si Reggie ay katrabaho naman ni Direk Rommel Penesa.
Ni isang kusing, walang hininging bayad kahit honorarium ang mga artistang sumali rito. Bagkus, nag-donate pa ng ilan sa kanila from their own pockets.
Halos one hundred per cent ng mga nangakong magpa-participate gaya nina Al Tantay, William Martinez, Dennis Trillo, Luis Alandy, Rico Barrera, Victor Aliwalas, Emilio Garcia, James Blanco, Wowie de Guzman, Cris Bolado, Zoren Legaspi, Ace Espinosa, Benjie Paras, Mike Magat, Wendell Ramos, Paolo Paraiso, Ariel Rivera, Richard Quan, Rob Sy, Biboy Ramirez, Shaun Rodriguez, at Gardo Versoza.
Dumating din sina Jennylyn Mercado, Sandy Talag, Vaness del Moral, Rufa Mae Quinto at si Robert ‘Sonny’ Jaworski.
Simula lang ito ng pagsasama-sama ng mga taong nagkakatrabaho sa ating industriya. Maliit o malaking artista para sa kapakanan ng kapwa nila sa TV at pelikula. Gaya ni Reggie para sa kailangan ng kanyang anak.
At ang susunod naman ay ang proyekto naman para kay Lando, na isang cameraman na na-comatose at nasa Quirino Hospital sa kasalukuyan.
Sila ang mga kailangang bahaginan ng tulong ng gaya nating involved sa iisang mundong ginagalawan natin.
Kaya, ke galing sa iba’t ibang networks, nagsama-sama ang lahat mula sa utility hanggang sa malalaking stars para mag-ambag sa nasabing proyekto.
‘Kakaloka lang na nakaririnig ka pa ng pagtataray raw ng ibang manager dahil hindi sila in-inform ng kanilang mga alaga na sasama sila sa proyektong para sa charity.
Pero hindi ba ‘yung mga ganoong bagay, desisyon na ng may katawan kung gusto nilang mag-ambag ng tulong? Kaya nga charity. Walang bayad. Walang kapalit. Kundi pagtulong lang. And to think ‘yung mga nagtatanong na ‘yun, ‘di mo naman masasabing kalakihang artista na. Pero ‘yung mga dumating at lumaro, mas malalaking artista pa sa kanila kung tutuusin. Hay… Pera-pera ba lagi?
The Pillar
by Pilar Mateo